Isang panukalang batas ang nakatakdang ihain ng mga mambabatas mula sa lungsod ng Maynila para alisin na ang Expanded Value Added Tax (E-VAT) sa lahat ng mga bilihin partikular na sa pagkain.
Ito ang napagkasunduan ng mga kongresista sa lungsod na nasasakupan ni Mayor Alfredo Lim dahil ang naturang buwis umano ang nagpapamahal sa mga bilihin.
Ayon kay Manila Rep. Benny Abante, panahon na para kumilos ang Kongreso para alisin ang E-VAT sa pagkain, langis, gamot, serbisy-publiko at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga tao.
“Ito (E-VAT) kasi ang reason kaya tumaas ang presyo ng mga bilihin. Hirap na ang mga tao kaya dapat sigurong alisin muna iyan,” pahayag ni Abante.
Kasama ni Abante sa inihahandang panukala, sina Reps. Trisha Bonoan-David, Jaime Lopez, Benjamin Asilo, Zenaida Angping at Amado Bagatsing.
Naniniwala ang grupo ng mga nabanggit na mambabatas na hindi lamang ang mga taga-Metro Manila congressmen ang susuporta sa naturang panukala kundi lahat ng mga mambabatas kapag naisalang na ito sa committee hearing.
“Lahat naman ay affected na. Lahat ay sinisingil ng E-VAT kaya palagay ko susuportahan nila ito,” ani Abante.
Magugunitang matagal nang inihain sa Kamara ang panukalang alisin ang E-VAT sa mga produktong petrolyo subalit subalit hindi ito inaaksyunan ng committee on energy na pinamumunuan ni Rep. Mikey Arroyo.
Subalit ayon kay Abante, panahon na para aksyunan ng Kongreso ang naturang panukala dahil hindi biro ang 12% na buwis na awtomatikong sinisingil sa mga consumers kapag may biniling pagkain para sa kanyang pamilya.
|