Mistulang naulit lamang ang eksena sa pilahan ng murang bigas dahil noong panahon ng ama ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si dating Pangulong Diosdado Macapagal ay nagkaroon na rin umano ng ganitong krisis ang mga Filipino.
Ito ang napag-alaman kay Quezon City Rep. Matias Defensor na nagmukahing maghanap si Pangulong Arroyo ng “rice czar” na siyang tututok sa krisis sa bigas.
“In 1960’s during the time of President Dado Macapagal, may nangyari ding krisis sa bigas,” pagkukuwento ni Defensor na noong panahong iyon ay reporter pa lamang sa isang pahayagan.
Muntik umanong na-impeach si Macapagal dahil sa krisis sa bigas matapos itong magdesisyong mag-import ito ng bigas para resolbahan ang naturang problema subalit hindi natuloy ang kaso.
“The famous line of President Macapagal that time was...I’d rather go to jail than seeing my people hungry,” pahayag ni Defensor.
Ayon pa sa mambabatas, noong panahon ng administrasyon ng ama ni Pangulong Arroyo, ang problema ay nag-ugat sa kawalan ng supply kaya nagpilahan din ang mga tao sa pagbili ng bigas sa mga palengke.
Dito na umano napilitan si Macapagal na mag-import ng bigas sa ibang bansa kahit mahigpit itong ipinagbabawal ng Korte Suprema noong panahong iyon.
Bagama’t mahaba rin ang pila sa bigas sa panahong ito ni Pangulong Arroyo, sinabi ni Defensor na hindi ang supply ang problema kundi ang hoarding at pananamantala ng mga negosyante kaya mabilis na nauubos ang National Food Authority (NFA) rice habang tumataas naman ang presyo ng commercial rice.
“Nu’ng time ni President Macapagal, supply ang problema noon. Ngayon presyo naman kasi tumaas ang presyo ng commercial rice dahil sa mga hoarding,” ani Defensor.
Ang problema sa bigas na nag-umpisa sa administrasyon ng tatay ni Pangulong Arroyo ay naresolbahan lamang umano nang tutukan ng sumunod na administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang problema sa supply ng bigas sa pamamagitan ng itinalagang executive secretary na si Rafael Salas.
Ayon kay Defensor, si Salas ang tumutok sa rice production sa bansa kaya nabansagan itong rice czar na naging dahilan pa para magkaroon ng over production at nakapag-export pa ng bigas ang Pilipinas simula noong 1968.
Ito ang nais kopyahin ni Defensor kaya iminungkahi nito kay Pangulong Arroyo na tumayo itong rice czar o kaya maghanap na lamang ng isang tao na gagawa sa tungkuling ito.
Samantala, sinupalpal naman ni Sen. Mar Roxas ang planong pag-pullout sa NFA rice sa mga palengke para ibigay sa local government units (LGU’s) ang pagbebenta o distribusyon sa mga pamilyang mahihirap.
Ayon kay Roxas, sa planong ito, mas lalong pinapalawak ni Pangulong Arroyo ang rice crisis dahil wala nang makikita pang murang bigas sa palengke ang mamamayan.
“Palagay ko lalong lalala ang problemang iyan dahil sa ang makikita na lang ng ating mamimili ay iyong mamahaling bigas,” ani Roxas.
Habang si Nueva Ecija Rep. Edno Joson, ibinabala na tatabo nang husto ang kita ng mga rice traders kapag inalis sa palengke ang NFA rice.
“Kita na ng malaki sigurado ang mga traders at retailers sa commercial rice lalo na pag nawala na ang NFA stock,” ani Joson dahil mapipilitan umanong bumili na lamang ng commercial rice ang taumbayan kapag walang nakitang NFA rice sa mga pamilihan.
Sa halip, aniya, na alisin sa palengke ang NFA rice, dapat pa itong damihan at ikalat nang husto. “Kung lahat ng palengke, talipapa at mga grocery ay may NFA rice, maiiwasan ang pila. Unti-unting mamamatay ang traders at retailers dahil hindi na bibili ang mga tao ng commercial rice,” dagdag pa ni Joson.