Kahit hectic ang schedule ni LJ Reyes bilang love interest ngayon ni JC de Vera sa Babangon Ako’t Dudurugin Kita ay nagkaroon siya ng pagkakataong magliwaliw sa Boracay matapos ang dalawang araw niyang taping doon ng Pinoy Records.
Gaya ng naisulat namin ay kasa-kasama ni LJ ang natsitsismis na boyfriend niya ngayon na pamangkin daw ng may-ari ng SM.
Itinatanggi pa rin ni LJ ang bagay na ito. Hindi raw ang pamangkin lang ni Henry Sy ang kasama niya sa Boracay kundi pati na rin ang mutual friends nila.
***
Nakita rin namin sa Boracay si Pops Fernandez na kakuwentuhan sa isang kubo ng Waling Waling resort ang manager na si Arnold Vegafria.
Si Pops daw ang guest performer sa opening ng bagong wing ng Boracay Regency.
Sa itsura ni Pops ay parang dalaga siya na walang anak.
***
Lalong gumuwapo si Richard Gutierrez sa bago niyang hairstyle. Bagay na bagay sa kanya ito.
Lalong kinakantiyawan na very much in love na naman ang bida ng Kamandag (na magtatapos sa Abril 25).
Sa pakikipagtsikahan namin kay Richard sa Shangri-La EDSA Plaza Hotel nu’ng isang gabi ay nalaman namin na pinaghahandaan nila nang husto ang last day airing ng Kamandag.
Mula nang nag-umpisa ang Kamandag ay hindi lamang artista ang papel dito ni Richard. Kasali siya sa creative team ng grupo at maraming kontribusyon si Richard sa ikagaganda ng teleserye.
Mixed emotion ang nararamdaman ni Richard sa pagtatapos ng Kamandag. Siyempre, mami-miss niya ang mga kasamahang artista na ilang buwan din niyang nakatrabaho.
Tungkol sa intriga sa pagitan nila ni Dingdong Dantes, ayon kay Richard ay wala itong katotohanan.
OK raw ang relasyon nila ni Dingdong. Matagal na silang magkasama ni Dingdong at kahit nagkikita sila ay hindi sila nagpapaapekto sa mga nasusulat o intriga sa pagitan ng kani-kanyang manager.
Basta, sinigurado ni Richard na wala silang problema ni Dingdong.
Kung hindi muna siya mapapanood sa SOP ay gusto raw niyang magpahinga tuwing weekend.
Iyon lang daw ang time na puwede niyang makasama ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan.
Sarili raw niyang desisyon ang mag-leave muna sa SOP. Walang katotohanan na aalis siya sa GMA-7.
***
Minsan, kung sino pa ‘yung madalas tulungan ay siya pang may ganang manira sa taong tumutulong sa kanya dahil lang sa isang pagkakataong hindi mapagbigyan.
Muntik na akong mabuwal nang malaman ko kung sino ang nagkalat na tigok na ang TV executive na si Malou Choa-Fagar.
Hindi bale, hahaba pa ang buhay ni Malou. Aral na rin siguro ‘yan sa mga taong madalas dumalo sa mga okasyon kahit hindi imbitado.
Naiirita ang mga taong pinupuntahan nila nang walang pasabi.
Sigurado, may magsasabi riyan na nasasabi lang namin ito dahil mas nakaluluwag kami sa pinansyal na aspeto.
Ang sa amin lang, kayo rin ang mapupulaan at kaiinisan ng mga taong pinupuntahan ninyo.
Kung talagang gusto ninyo ang ganyang kalakaran ay sumali na lang kayo sa musiko o banda at siguradong lamang kayo ng lahat ng pistahan!
***
Tuluy-tuloy ang misyon ni Cassandra (Iza Calzado) sa ESP.
Kaso ng Chop Chop Lady ang lulutasin ni Cassandra ngayong gabi sa GMA 7.
***
Bon voyage kay Josh Anduwitt ng GMA Pinoy TV na pabalik na ng California sa linggong ito!