Mistulang lilikha ng panibagong problema sa bansa ang pagpigil sa pagbebenta ng National Food Authority (NFA) rice sa mga palengke dahil sa samu’t saring reklamo ng pagsasamantala ng mga rice traders.
Pinaplano ng gobyerno na mga barangay o local government units (LGU) na lamang ang magbebenta ng NFA rice upang maiwasan ang iregularidad bukod pa sa mas malaki ang tsansang makakarating sa mahihirap nating mga kababayan na pangunahing nangangailangan ng murang bigas.
Pero sa kabila ng mga positibong epektong maaaring idulot ng planong ito, may mga negatibong epekto rin ito na kailangang bantayan o agapan upang makamit ng gobyerno ang tunay na layunin ng paglilipat sa mga barangay ng pagbebenta ng murang bigas.
Kaya bukod sana sa paglipat sa barangay ng bentahan ng murang bigas ng NFA dapat pa ring kumilos ang gobyerno upang regular na i-monitor ang bentahan ng bigas saanman ito mapuwesto.
Pagkakataon na rin ng gobyerno na tutukan ang ibang aspeto na makatutulong sa pagpapatatag sa suplay ng bigas at paghahanap ng ibang paraan upang maresolba ang nakaambang kakulangan sa suplay ng bigas na kinakaharap ng publiko.
Sa kabila nito, mas naniniwala kaming pinakamainam na puwesto ng murang bigas ay sa palengke dahil dito madalas nagtutungo ang mahihirap nating mga kababayan.
Ang kailangan lamang gawin ng gobyerno ay regular na i-monitor ang mga bentahan ng NFA rice at tiyaking hindi nagsasamantala ang mga rice traders.
|