Isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) ang sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman kamakalawa dahil sa umano’y pag-abuso sa tungkulin.
Ayon sa mga residente ng Baler at San Francisco del Monte, Quezon City, ang hepe ng Quezon City Police District Office Station 2 na si Supt. Allan Pareño ay umaabuso umano sa mga residente lalo na kapag ito ay may kaso sa kanyang istasyon kabilang na ang pagiging pabaya sa kanyang Area of
Responsibility (AOR).
Sa dokumentong nakalap, naging aktibo umano ang operasyon ng pagbebenta ng iligal na droga mula nang pamunuan ni Pareño ang istasyon ng pulisya.
Wala rin umanong ginagawang aksyon ang opisyal sa patuloy na paglobo ng bilang ng insidente ng nakawan sa kabila ng patung-patong na reklamo.
Bukod dito, hiniling din sa Ombudsman na halukayin ang umano’y iba pang kasong kinasasangkutan ni Pareño na matagal na umanong natutulog sa National Police Commission (Napolcom).
|