Huli sa akto ang isang kelot na galamay ng donut gang matapos matiyempuhan habang kinakatay ang spare tire ng isang nakaparadang sasakyan na pag-aari ng isang negosyante sa Tutuban Centermall sa Tondo, Maynila kahapon.
Inireklamo ng biktimang si Jamal Gandarosa ang nahuling suspek na si Benny N. Bernardino, 41-anyos, may-asawa, walang trabaho ng 1517 Tindalo St., Tondo, Maynila.
Sa ulat ng MPD-Station 2, alas-12:00 ng tanghali kahapon ng matiklo ang suspek ng nakatalagang sekyu sa lugar na si Mario Torres (Radar Security Agency).
Kinakana umano ng suspek ang spare tire ng sasakyang Mitsubishi Strada (kulay asul) at may plakang ZLU-484.
Nabatid na nagkakahalaga ng P20,000 ang naturang spare tire na pinagdiskitahan umanong salikwatin ng suspek.
Gayunpaman napurnada naman ang hirit ng suspek matapos bulagain ng guwardiyang si Torres.
|