Kung nababahag ang buntot ng mga alipores ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang hinggil sa usapin ng Spratly Islands, kakaibang tapang naman ang ipinaramdam ng mga kongresista kahapon.
Mismong ang mga kongresistang kaalyado na ng administrasyon ang tumuligsa sa mga opisyales ng Malacañang na nagbabalang posibleng giyerahin ng China at iba pang claimants sa Kalayaan Island Group (KIG) ang Pilipinas kapag ipinilit itong isama sa Baseline Bill.
Base sa nasabing panukala na naipasa na sa ikalawang pagbasa sa Kamara, nakapaloob sa territorial baseline ng Pilipinas ang KIG at Scarborough Shoal.
Nagbabala sina Executive Secretary Eduardo Ermita at Justice Secretary Raul Gonzalez na posibleng pagsimulan ng giyera kapag ipinilit ang naturang panukala.
Subalit ayon kay Palawan Rep. Antonio Alvarez, walang basehan ang pangamba ng Malacañang officials bagkus ay dapat ituloy ang naturang panukala dahil pag-aari ng Pilipinas ang naturang mga isla.
“Congress should do what is right, put the Kalayaan inside the baseline, and if other countries don’t like it then they can register their opposition in the right way and in the proper forum, the way civilized nations do,” ani Alvarez.
Naniniwala ang mambabatas na hindi gagawa ng aksyon ang China na hindi magugustuhan ng buong mundo.
“If it will take a hostile action against us, you can just imagine the worldwide condemnation it will invite. The Olympic will be boycotted,” pahayag ni Alvarez.
|