Sa harap ng alegasyong nakinabang sa ‘baboy scam’ ang ilan sa senatorial candidates ng Team Unity (TU), ito’y hinamon ni opposition Senator Panfilo “Ping” Lacson na linisin ang kanilang pangalan at ituwid ang nagawang kasalanan sa pamamagitan ng kusang pagbibitiw.
Ayon kay Lacson, karapatan ng mamamayang marinig ang paliwanag ng bawat senatorial candidates na pinagbibintangang nakinabang sa swine raising fund ng Quedan and Rural Credit Guarantee Corp. (Quedancor).
Bagama’t walang pagtukoy si Atty. Harry Roque, kabilang sa natalong senatorial candidates ng Team Unity (TU) noong May 2007 election sina dating Senador Ralph Recto, Teresa Aquino-Oreta, Vicente Sotto III, action star Cesar Montano, dating presidential chief of staff Michael Defensor, Sultan Jamalul Kiram III, dating Surigao Cong. Prospero Pichay Jr., at dating Zambales Governor Vicente Magsaysay.
Sa 12 senatorial candidates ng Team Unity, tatlong kandidato lamang ang lumusot at kinabibilangan ito nina Sens. Joker Arroyo, Edgardo Angara, at Juan Miguel Zubiri.
“Kung totoo ang report, dapat lang magsalita na at magpaliwanag ang mga concerned senators. Resignation ang pinakamagaan na dapat nilang gawin,” ani Lacson.
Samantala, sinabi naman ni dating TU spokesman Tonypet Albano na mismong siya ay walang ideya kung sino sa kanilang mga kandidato ang nakinabang sa swine fund.
“Kaya nga hinahamon ko si Atty. Harry Roque na sabihin na kung sino ‘yung apat na sinasabi niyang kandidato ng Team Unity na nakinabang sa swine fund dahil pati ako, walang akong ideya kung sino ang mga iyon,” ani Albano sa panayam ng TONITE.
Ayon kay Albano, kung mayroong pera ang TU, hindi na sana nagtangkang umatras si Cesar Montano at hindi na namroblema ang partido kay Sultan Kiram kung saan kukunin ang pondo.
Tinangkang kunan ng reaksyon si Defensor sa naturang usapin subalit tumanggi itong magsalita dahil wala umano siyang alam sa nasabing usapin.
Samantala, nagtakda na ng imbestigasyon si House agriculture committee chairman Rep. Abraham Mitra kaugnay ng swine scam.
“Masagasaan na ang masagasaan pero wala kaming sasantuhin diyan,” ani Mitra.