Posible umano na tanging si Sen. Antonio Trillanes IV lamang ang maiwan sa mga Magdalo soldiers kapag binigyan agad ng pardon ang grupo nina Capts. Gerardo Gambala at Milo Maestrecampo.
Kapalit ng impormasyong ito, sinabi ng kongresista na hindi na nagpabanggit ng pangalan na malaki ang posibilidad na magsunuran ang mga Magdalo soldiers kina Gambala at Maestrecampo kapag ibinigay ang maagang presidential pardon.
“Siyempre gusto ng mga sundalo na iyan na makalaya na agad kaya kung effective ang gimmick, baka sila rin mag-plead guilty na agad para ma-pardon na rin,” pahayag ng kongresista na konektado sa administration bloc.
Kapag nangyari aniya ito, malamang na si Trillanes na lamang ang maiiwan at mag-isang masesentensyahan sa kasong mutiny.
Ganito rin ang naging pananaw ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Lacson, kapag nabigyan ng pardon ang siyam na nahatulang Magdalo, ito’y magbibigay ng senyales sa iba pang Magdalo soldiers na pumasok sa guilty plea upang malusutan ang kaparusahang ipapataw ng militar, maging ang pagkabulok sa kulungan.
Hindi rin inalis ni Lacson ang senaryong lumalabo ang tsansa ni Trillanes na makalabas ng kulungan kapag nahikayat ni Mrs. Arroyo ang iba pang Magdalo soldiers na pumasok sa guilty plea, kapalit ang pardon.
“If they are eventually pardoned, it will serve as a strong, threatening message to the rest of the accused to go the way of those who earlier pleaded guilty para tuluyan nang lumabo ang pag-asa ni Senator Trillanes at ang mga matatag na kasamahan niya,” ani Lacson.
Aabot sa 300 sundalo ang sangkot sa Oakwood mutiny kung saan marami na umano sa mga lower rank na sundalo ang napatawad kapalit ng pagbaba sa kanilang ranggo.
|