APRIL 11, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
HEADLINES
 
GOBYERNO NAPASUKO NG RICE TRADERS
Bernard Taguinod With Rose Miranda/Noel Abuel
 

Sa halip na pasunurin ang mga negosyante para mapababa ang presyo ng bigas, ang gobyerno na umano ang mistulang sumusuko sa mga ito.
Ito ang ipinahayag ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson, dating National Food Authority (NFA) administrator, kaugnay ng pinaplano ng Department of Agriculture (DA) na itaas na rin ang presyo ng NFA rice.

“Maling move ‘yan (pagtaas ng presyo ng NFA rice). Imbes na kausapin ang mga rice traders na ibaba ang presyo nila, tayo pa ang maghahabol sa kanilang presyo,” pahayag ni Joson.

Ayon sa mambabatas, ang stocks ng mga rice traders sa kasalukuyan ay binili pa sa mababang halaga suba­lit dahil sa espekulasyon sa rice shortage ay itinaas nila ang presyo nito.

Sinabi ni Joson na kung nais ng gobyerno na huwag magalit sa kanila ang mga tao, dapat panatilihin ang kasalukuyang presyo ng NFA rice at obligahin ang mga rice traders na ilabas ang kanilang mga stock.

Nagbabala ang mambabatas na lalong mauubos ang pasensya ng mga tao sa gobyerno kapag itinaas ang presyo ng NFA rice bukod pa sa nagiging mahirap na itong bilhin tulad ng mga karanasan ng mga karaniwang mamamayan na pumipila ng mahaba para lamang makabili subalit pagdating sa unahan ng pila ay nauubusan ng supply.

Maging si Speaker Prospero Nograles ay hindi sang-ayon na itaas ang pres­yo ng NFA rice dahil hindi umano ito napapanahon.

“Bad timing. Tao muna bago kita,” ang payo ni Nograles sa Malacañang.
“The NFA should not operate for profit but to protect from profiteers. The NFA was established to ensure a stable supply of rice at affordable prices. I don’t think the President will like the idea,” ani Nograles.

Taliwas sa paniniwala ni Nograles, pabor ang Malacañang sa planong itaas ang presyo ng NFA rice.

Sa pamamagitan ni Secretary to the Cabinet Ricardo Saludo, nabatid na ikinukunsidera ng Malacañang ang panukalang itaas ang presyo ng NFA rice ngunit iginiit na makaka­yanan naman ito ng mga konsyumer.

“The cabinet will consider NFA’s proposal in light of our people’s needs. What they can afford and the cost of rice subsidies, which could reach 50 billion pesos a year,” ani Saludo.

Naunang inamin ni DA Secretary Arthur Yap na ikinukonsidera nitong maitaas ng halagang piso ang NFA rice kada kilo.

Gayunpaman, nilinaw ni Yap na ang halagang ito ay maaaring maitaas depende sa ginagawang pag-aaral ng ahensya hinggil sa kung magkanong halaga ang karapat-dapat idagdag sa presyo ng NFA rice sa kasalukuyan.

Aniya, matagal na ang ipinatutupad na P18.25 kada kilo ng NFA rice at nagsimula pa ito sa P9 kada kilo na bilihan ng palay kung ikukumpara sa kasalukuyan na P17 na ang bilihan ng palay.

Binanggit din ng kalihim na tumaas din ang halaga ng pesticide, abono at binhi kaya kapag mataas ang gastusin ng mga magsasaka rito, dapat mataas din ang halaga ng bentahan ng palay.

Samantala, hinikayat naman ni United Opposition (UNO) President at Makati Mayor Jejomar Binay ang Arroyo administration na magdeklara ng state of calamity sa buong bansa dahil sa krisis sa bigas.

Ayon kay Binay sa pamamagitan ng state of calamity, magagamit ng local government units (LGUs) ang kanilang calamity fund upang makabili at makapamahagi ng bigas sa mga pinakamahihirap na residente.

“While the Arroyo administration has a lot of explaining to do, the most urgent concern for all of us in government -- whether administration or opposition -- is to help the poor survive the crisis,” ani Binay.

 

Microsoft Internet Explorer 7