APRIL 05, 2012 THURSDAY homehulaan bluessportspublic servicePinoy Nobela
Become a fan on facebook
Follow us on twitter
Exchange Rate
April 04, 2012
As of 2:02 pm
U. States 42.6600
Bahrain Dinar 113.217
Euro 56.3101
HK Dollar 5.49361
Japan Yen 0.516208
Saudi Riyal 11.3751
S’pore Dollar 33.9232
Taiwan Dollar 1.44708
UAE Dirham 11.6161
UK Pound 67.9693
 
Custom Search

HOLY WEEK FEATURE:

Anting-anting hunters sa Biyernes Santo

NI BERNARD TAGUINOD
 

(Note: Hindi po ine­engganyo ang sinuman na gawin ang mga nasusulat dito. Mga kuwento lang po ito na nagpasalin-salin sa ating mga ninuno hanggang ngayon, sa tuwing Biyernes Santo, na ibabahagi lang po sa inyong lahat at sana’y mapulutan ng aral. Salamat po.)

Kinalakihan na natin ang mga kuwento ng mga matatanda lalo na sa pro­binsya ukol sa Biyernes Santo na minana rin nila sa kanilang mga matatanda at naisasalin sa ating mga bagong henerasyon.

Bagama’t walang pruweba ay patuloy ang paniniwala ng mga tao sa mga kababalaghan daw tuwing Biyernes Santo na siyang araw ng pagkamatay ni Jesus sa Krus para tubusin ang kasalanan ng sanlibutan.

Sa probinsya lalo na sa Norte kung saan tayo namulat, may mga paniniwala na patuloy na umiinog sa mga bagong henerasyon at sinubukan ng halos lahat, pero walang nakakapagsabi kung epektibo ba o hindi.

GAYUMA

Isang halimbawa na rito ang pagkuha ng “ga­yuma” sa mga kabundukan tuwing Biyernes Santo. Gayuma para raw sa mga babae, upang dumami ang suki kapag mayroon kang tindahan o negosyo, pagpapabait sa mga kaaway at kung anu-ano pa.

Noon daw, mailap ang mga babae kaya ginagayuma ng mga lalaki at tuwing Biyernes Santo lang ito nakukuha sa mga kabundukan sa mga kakahuyan kaya maraming naghahalughog sa mga gubat kapag ganitong araw.

Target ng mga kumukuha ng mga gayuma ay ang ugat ng malalaking puno na sumapin sa isa’t isa o nagkadantay na ugat dahil ito raw ay simbolo ng pag-iisang dibdib.

Kailangang makuha ang ugat eksaktong alas-12:00 ng tanghali sa Bi­yernes Santo para magkabisa ito bago dasalan ng Latin at saka babalutin ng pulang tela.

Para raw magkabisa, dadasalan ng siyam na araw ang nakuhang ugat at kapag ginamit na raw sa target na babae ay kakagat ng konti at saka kakausapin. Mawawala raw ang pagkasuplada ng babae at kapag ganito ang sitwasyon, epektibo raw ang gayuma.

Kapag ang babae ay nakahalata na nagayuma siya ay maghahanap ng pangontra, siya raw ay magkakasakit kaya para makaiwas, ay lalayo na lamang sa lugar.

Dahil dito, maraming babae ang hindi nakikipagkamay sa mga manliligaw, umiiwas na madampian man lamang ang kanilang balat ng lalaking kanilang kinamumuhian na alam nilang matindi ang pagkagusto sa kanila.

Halos ganito rin daw ang istilo ng gayuma sa pagnenegosyo maliban sa klase ng ugat na kukunin.

Kailangan daw, ang ugat na kukunin ay marami pang ugat na tumubo sa iisang ugat.

Ilalagay lang daw ito sa ilalim ng mga paninda at tiyak na dadami raw ang mga suki lalo na kung nakabili na ng minsan. Tiyak daw na babalik-balikan ng suki ang kanyang mga paninda.

Kapag ang pampaamo naman daw sa kaaway ang gayuma na kukunin, ang balat ng magkahiwalay na ugat ang kukunin, dadasalan ng siyam na araw at kahit ano raw ang galit ng kaaway sa iyo, hihinahon kapag siya ay makakaharap mo.

Ang mahirap lang daw ay ang pagtatago dahil hindi ito puwedeng ipasok sa loob ng bahay na may Santo dahil kapag ginawa mo raw ito ay tiyak na mawawalan ng bisa ang hawak mong gayuma.

PAMPALAKAS

Tuwing Biyernes Santo, itinatago naman daw ng mga matatanda ang kanilang mga kalabaw dahil mayroong mga tao na naniniwalang makakakuha ng lakas sa hayop na ito.

Tsambahan lang daw ang pagkuha ng lakas ng kalabaw kaya binabantayan ng mga tao ang mga hayop na ito mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-tres ng hapon.

May mga pagkakataon daw kasi na nalalaglag ang ngi­pin ng kalabaw at iyon ang kukunin at saka itatakbo, at ang ngipin na ito ay ilalagay sa loob ng anumang bahagi ng katawan agad-agad.

Pinaniniwalaan na ang lakas ng kalabaw ay maililipat sa sinumang makakakuha ng ngipin na nalaglag at pagkalipas lamang ng ilang araw ay mamamatay nang kusa ang hayop.

GUMAGAWA NG LANGIS NG NIYOG

Ordinaryo na ang paggawa ng langis ng niyog tuwing Biyernes Santo dahil sa paniniwala rin na nakakagamot ito ng mga karamdaman at higit sa lahat ay panlaban sa mga mangkukulam.

Kailangang walang makakakita sa iyo kapag gumawa ka ng langis ng niyog kaya madalas sa loob ng kakahu­yan ito ginagawa.

Nagagamit din daw ang langis para sa ubo at lagnat ng mga bata bukod sa ito rin ang ginagamit ng mga kababaihan para lalong umitim daw ang kanilang buhok at mabilis ang paghaba.

BALAT NG AHAS

Marami rin ang naniniwala na kapag Biyernes Santo ay walang kamandag ang mga ahas kaya may mga nagbabaka-sakaling maghanap ng mga ahas sa ganitong araw.

Naniniwala kasi ang mga tao na may anting-anting ang mga balat ng ahas kapag hawak mo ito tulad ng hindi ka tatablan ng kanyang kamandag kapag regular na araw na. Kahit ang mga aso ay matatakot sa iyo at mangingilag din sa iyo ang mga mababangis na hayop sa bundok.

Mahirap daw itong kunin dahil karaniwan, tuwing Biyernes Santo ay nagtatago ang mga ahas at bihira kang makakita ng mga ahas na nagkataong nagpapalit ng balat.

Maliban dito, hindi ang iniwang balat ang mabisa kundi ikaw daw mismo ang dapat mag-alis ng balat sa katawan ng ahas na iyong matitiyempuhan sa araw mismo ng Banal na Araw.

PANTY NG MGA BABAE

Binabantayan din ang mga kababaihan tuwing Biyernes Santo dahil kasama sila sa target ng mga mapagpaniwala sa mga gayuma at anting-anting sa Banal na Araw na ito.

Mahirap daw lang itong makuha dahil ang karaniwang kinukuha ay ang panty na hindi pa nalalabhan.

Mas matindi raw ang bisa kapag ang panty ay nakuha sa natutulog na babae na hindi niya namalayan.

Ginagamit raw ang panty na nakuha sa pangingisda. Ila­lagay lang daw ang kapiraso ng panty sa lambat para makarami ng mahuhuli.

SPOOL PIN NG MAKINANG PANAHI

Target din daw ng mga hunters ng anting-anting tuwing Biyernes Santo ang bahaging ito ng makina sa pananahi lalo na ang mga nagsasabong para laging manalo ang kanilang manok.

Ihihipo lang daw ito sa manok na panabong at walang sinuman ang makakatalo dito.

Kailangang nakawin ang bahaging ito ng makinang panahi na walang nakakita sa iyong pag-akyat at pagbaba sa bahay na nanakawan para magkabisa ang anting-anting.

HINLILIIT NG PATAY NA SANGGOL

Mas malulupit ang iba pang kuwentong nagpasalin-salin pero mayroon rin daw nakikipagsapalaran sa mga sementeryo tuwing hatinggabi ng Biyernes Santo para makuha ang hinliliit ng mga batang kalilibing lang dahil iyon daw ang magbibigay sa kanila ng ibayong lakas at iba pang kapangyarihan.

Kabilang sa mga kapangyarihan ay maglalaho raw sa pa­ningin ng iba ang sinumang tao na mayroong hawak na hinliliit ng patay na bata lalo na kung sanggol.

Mahirap raw kumuha nito dahil marami raw maligno ang makakasagupa mo sa loob ng sementeryo bago makuha ang darili sa pamamagitan ng pagkagat lamang ng inyong ngipin.

Hindi raw kasi puwedeng putulin ng anumang patalim ang hinliliit ng patay na sanggol kaya pinuputol ito gamit ang ngipin.

MAY KATAPAT NA MALAS

Ilan lamang ito sa mga paniniwala na nagpasalin-salin sa mga henerasyon ang mga kuwento pero wala pang pruweba kung ito man ay totoo o gawa-gawa lamang ng mga sinaunang tao.

Pero kaakibat ng mga kuwentong ito, may katapat daw na malas ang sinumang mayroong hawak na anting-anting pagdating ng panahon lalo na kung nawala na ang bisa nito.

 
HOME TOP
Copyright © 2011 MONICA PUBLISHING CORPORATION
ALL RIGHTS RESERVED

designed & developed by: MIS SECTION