Isnaberong taxi drivers pagmumultahin ng P20K

By

Tumataginting na P20,000 ang maaaring­ ipataw sa mga taxi drivers­ at iba pang pampasaherong sasakyan na tatanggi sa mga pasahero at hindi gagamit ng taxi meters.

Ito ang nilalaman ng House Bill 4433 na inakda ni AANGAT TAYO party-list Rep. Neil Abayon III, na mas mataas ng apat na beses sa itinakdang parusa sa mga insabero at nangongontratang taxi drivers at iba pang uri ng pampasaherong sasakyan.

Sa Section 2 ng panukala ni Abayon, nais nitong patawan ng P10,000 hanggang P20,000 ang mga taxi drivers na hindi gagamitin ng taxi meter, maniningil ng mas mahal na pasahe.

Mas mataas ito ng dalawa hanggang apat na beses sa multang itinakda na Joint Administrative Order No. 2014-01 ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga insaberong taxi drivers dahil aabot lamang ito ng P5,000.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na may mga taxi drivers ang nango­ngontrata dahil laging ikinakatuwiran na matrapik sa destinasyon at malulugi diumano sila kapag nagsakay ang pumarang pasahero.

Bukod sa may mga taxi drivers na hihintuan ang pasaherong pumara sa kanya at magtatanong muna kung saan ito pupunta at kapag ayaw ng destinasyon ay agad na tatakbo.

“This bill seek to encourage taxi drivers to honor the law and bear always in mind that the contract of carriage and the obligation of common carriers is at all times vested with public interest,” ani Abayon sa kanyang panukala.

Maliban dito, lahat ng mga sasakyang sangkot, ay ipapa-impound sa loob ng isa hanggang anim (6) na buwan depende sa bigat ng kasalanan ng tsuper na inereklamo ng pasahero.

Kapag naulit na ang paglabag ng taxi driver kapag naging batas na ang panukalang ito ay tuluyan na itong tatanggalan ng lisensya.