Isang dekada na ang CCT

By

Hindi naghahanap ang Department of Budget and Management (DBM) ng mga social workers kundi ang hinahanap nila at inihihingi ng pondo sa Kongreso ay para sa budget ng mga cash disbursement officers.

Bakit hindi mangangailangan ng cash disbursement officer ang DSWD eh bukod sa P89 billion na ita-transfer nila sa mga beneficiaries ng programa ay sila din ang magdi-disburse ng pondo para tulungan ang mga apektadong mamamayan kapag naipasa na ang tax reform program.

Noong 2007 sinumulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang CCT at hindi pa kalakihan ang pondo dahil wala pang isang milyong beneficiaries ang unang nakinabang sa programang ito na bibigyan ang mga poorest of the poor ng buwanang sustento.

May isang dekada na ang programang ito pero nagtataka lang ako bakit parami ng parami ang poorest of the poor kung talaga bang nakakatulong ito para makakaahon sa kahirapan ang ating mga kababayan.

Ipinagpatuloy ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang CCT program at mula noon ay palaki nang palaki ang bilang ng mga beneficiaries at siyempre palaki nang palaki ang budget.

Itinuloy din siyempre ni Pangulong Rodrigo Duterte ang programang ito at may bonus pa dahil bukod sa buwanang cash allowance ay mayroon pang bigas ang mga poorest of the poor.

Ito ang dahilan kaya mula sa P78 billion na pondo ng CCT program ngayong 2017 ay magiging P89 billion na ito sa susunod na taon dahil may rice allowance din ang mga mahihirap daw na pamilya.

Noong 2012, P43.5 billion ang pondo ng CCT program o mas kilala ng mga beneficiaries bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na ang bilang lang nila noong taong ‘yun ay 3.8 million.

Nagpatuloy ang pagtaas ng bilang mga mga beneficiaries dahil umabot na ng 4.4 million sila ngayong 2017 na may pondong P78 billion at aabot pa sa P89 billion sa susunod na taon.

Mayroon pang inaasahang ayuda ang mga beneficiaries ng CCT dahil kasama ang mga ito sa 10 million families na tutulungan ng DSWD o bibigyan ng tulong pinansyal kapag naipasa at naipatupad na ang tax reform law.

Ang suwerte talaga ng mga CCT beneficiaries dahil kapag naipasa ang tax reform program, may P1,400 kada buwan na sila at may kasama pang bigas, madadagdagan pa ang kanilang cash allowance dahil sila raw bulnerableng maaapektuhan sa pagtaas ng presyo ng langis.

Pero kung iisipin mo, bakit dumarami ang poorest of the poor kung talagang nakakatulong ang programang ito para maiangat ang buhay ng mga ito sa kahirapan?

Epektibo ba talaga ang 4Ps?

Ang tanong talaga, ilan sa mga naunang beneficiaries ang nakaahon sa hirap, ilan sa kanila ang nakatapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak sa tulong sa cash transfer na ito na ang kapalit ay kailangang mag-aral ang kanilang mga anak.

Ang problema d’yan, ang mga ipinamimigay ng gobyerno sa mga poorest of the poor ay utang lang na na pagdating ng araw ay babayaran ng sambayanang Filipino sa pamamagitan ng mga karagdagang buwis. (dpa_btaguinod@yahoo.com)