Huwag magmadali, hintaying matapos ang gulo


Hindi pa aprubado ng militar ang pagbalik ng mga residenteng apektado ng karahasan sa Marawi City.

Kaya naman humingi ng pang-unawa ang Malakanyang sa mga inilikas na residente mula sa mga lugar na apektado ng kaguluhan na dulot ng panliligalig ng terror group na Maute.

Ang pag-awat sa pagpapabalik sa mga residente sa Marawi City ay ginawa ng Malacañang dahil nagpapatuloy pa rin umano ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute group.

Sang-ayon tayo sa posisyong ito ng militar at Malacañang, hindi dapat minamadali ang pagbabalik sa tirahan ng mga residente sa Marawi City, lalo na’t walang kasiguraduhan na nawalis na nang tuluyan ang teroristang grupo sa Marawi.

Tama lamang na kasabay ng pagpapabagsak sa teroristang grupo ay tinitiyak ng tropa ng gobyerno na ligtas ang mga sibilyan na magbabalik sa lungsod.
Kaya ang sa amin, pasasaan din at matatapos ang kaguluhang iyan sa Marawi kaya sana ay maghintay-hintay na lamang ng tamang panahon ang mga kababa­yan nating residente ng Marawi sa pagbalik sa kanilang mga tirahan upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Huwag po tayong magmadali at higit sa lahat ay huwag nating madaliin ang mga awtoridad na nasa likod ng paglipol sa tero­ristang grupo dahil positibo ang gobyerno na mauubos na rin ang kanilang puwersa sa lalong madaling panahon.

Ang pinakamainam na dapat gawin ng mga evacuees ay makipagtulungan sa mga awtoridad, makinig sa kanilang abiso at huwag pangungunahan ang kanilang plano upang malayo sa kapahamakan.