Hulugang motorsiklo

By

Dear Atty. Claire,

Magandang araw po. Ang tanong ko po ay tungkol sa aking hulugang motor. 4 months na akong hindi nakakahulog dahil natanggal ako sa trabaho.

Ngayon ay gusto na po nilang kunin yung motor, ang ginawa­ ko po ay itinago ko muna ito dahil mayroon naman­ po akong inaasahang pambayad sa December 10.

Pinapirma po nila ako sa promissory na kailangan sa November 28 ay makakabayad na ako at kung hindi ay hahatakin daw nila ito.

Pumirma po ako ng ibang pirma para lang matapos ang usapan. OK lang po ba yung ginawa ko kinukulit po kasi nila ako? May pambayad naman po ako ngayong December 10. Maraming salamat po. Sana po masagot nyo katanungan ko

–Tim

Tim,

Sa kwento ay lumalabas na hindi OK ang ginawa mo. Hindi rin OK ang hindi maging honest o tapat.

Sa hindi mo pagbabayad ng apat (4) na buwan ay talagang magbubunga ito ng pangamba sa binilhan mo ng motorcycle na nagtiwala sa iyo…nagtiwala na mababayaran mo sa takdang oras ang kinuha mong motor sa kanila.

Kung nagkataon na ikaw ang nagbenta ng motor at hindi ka bayaran ng bumili sa iyo, ayos ba na itago mo ang motor at lokohin ka sa maling pirma na inilagda mo sa inyong kasunduan o promissory note?

Ang 4 na buwan na hindi mo pagbabayad ay na­pahaba ng panahon na hindi mo sinikap na mabayaran.  Humanap ka na sana ng maaari mong mahiraman ng pera upang makabayad lalo pa at sinabi mo na may ina­asahan ka naman sa December 10.

Kung tunay na may matatanggap kang pera sa December 10 ay makipag-usap ka na lamang sa nabilhan mo at humingi ng 2 linggong palugit at ipakita ang katunayan na may maipambabayad ka sa December 10.

Ngunit kung hindi mo na talaga makakaya pang bayaran ay huwag mo nang hintayin pa na idemanda ka pa ng kasong Replevin  o kaya ay carnapping dahil sa hindi mo pagbalik ng  motorcycle.

***

Hello Atty. Claire,

Hope everything is well while reading my email! I always read your column (Abante) and I learned a lot from your advice.

Regarding po ito sa aking ginagamit na pirma (signature). Sa ngayon po, tatlo pong pirma ang ginagamit ko. Magkakapareho po ang pirmang ginagamit ko para sa mga personal at mga importanteng mga dokumento kagaya po ng mga bank transaction, driver’s license, insurance policy, employment contract at marami pang iba.

Ito po talaga ang aking ori­ginal na pirma. Iba naman po ang pirma na ginagamit ko pagdating sa trabaho ko at meron din po akong ginagamit na pirma para sa mga bagay na hindi ma­syadong mahalagang dokumento.

Tanong ko po kung ok lang po ba ang maraming ginagamit na pirma?

Gumagalang,
Leo Boy

Mr. Leo Boy,

Marami na rin ang nagtanong sa atin ng kaparehong sitwasyon at ang palagi kong nauunang itanong ay “ano ba nag motibo sa paiba-ibang pirma na sinusulat sa mga dokumento?”

Kung ang motibo ay para hindi kilalanin ang pinirmahan upang makaiwas sa pananagutan ay siguradong magkakaroon ng pananagutan ang taong nais na manloko.

Sa pamamagitan ng isang handwriting expert ay maikukumpara ang mga strokes ng sulat upang madetermina kung maaari bang sulat ito ng iisang tao lamang.

Ngunit ang pagkakaroon ng  iba’t ibang pirma ay hindi naman nangangahulugan na ito ay  mali o  ito ay labag sa batas.

Ang pirma o signature ay isang pagpapatunay ng identity ng tao at ng authenticity o genui­nenes­s ng dokumento. May mga tao na iba ang ginagamit na pirma sa paggawa ng bank check upang maproteksyunan ang kanyang pondo.

May iba naman na gumgamit ng ibang pirma sa pag-approve ng document upang masigurado niyang pirma niya at walang nag-forge into upang mapalusot ang isang transaksyon.