Abante Tonite Interactive

Horse of the Year

By
7

Dahil na rin sa kanyang malalaking panalo nga­yong taon, pinili ng Philippine Sportswriters’ Association ang pamosong si Low Profile (Tribal Rule – ­Lacquaria) bilang Horse of the Year sa gaganaping PSA Awards Night sa Pebrero 11 sa Le Pavillion sa ­Pasay City.

Isang malaking karangalan ito sa industriya ng karera dahil isang major award ang tatanggapin ng kabayo ni Mang Ruben Dimacuha at itini-trained ni Dodek Vicente.

Apat na malalaking karera noong nakaraang taon ang nasipit nitong si Low Profile kung kaya’t ­malaki ang naiambag nito para siya ang mapili sa nasabing malaking parangal. Lahat ng mga panalong ito ay ­nakamit niya kasama ang kanyang regular na hineteng si Mark Alvarez, na nahirang namang Jockey of the Year sa nasabing Awards Night.

Enero 17 pa lang noong nakaraang taon ay ­pinasimula na ni Low Profile ang kanyang ­pananalasa sa pista nang mapanalunan niya ang top prize na P720,000 sa 2016 Commissioners Cup. Tinalo niya dito sina Kanlaon, Biseng Bise, Manalig Ka, at Love To Death, ayon sa pagkakasunod.

Isinunod naman niya noong Pebrero 28 ang 2016 Freedom Cup kung saan nanalo siya ng P800,000 top prize laban kina Biseng Bise, Kanlaon, Messi, Tap Dance, at Gentle Strength, ayon sa pagkakasunod.

Hunyo 26 naman nang masungkit niya ang P2.5-milyong top prize sa PCSO Silver Cup laban sa apat ding iba na kinabibilangan nina Dixie Gold, ­Kanlaon, Messi, at Gentle Strength.

At nitong nakaraang buwan (Disy. 4), napanalunan niya ang prestihiyosong 2016 PCSO Presidential Gold Cup kung san tumataginting na ­P4-milyon naman ang kanyang naiuwi. Tinalo niya ayon sa pagka­kasunod sina Skyway, Kanlaon, Court Of Honor, Dixie Gold, Dewey Boulevard, Tan Goal, Gentle Strength, Ma­rinx, Cats Dream, Lakan, Hook Shot at Dinalupihan.