Hindi lang pagsipsip sa pondo ng gobyerno

308

Tumpak ang pinaplanong pagbawas ng gobyernong Duterte ng mga tinatanggap na bonus ng mga opisyal at empleyado ng mga Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC).

Kinumpirma ni Socio Economic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang mga opisyal ng GOCC ay binabayaran ng buwanang honoraria kada pagpupulong.

Ang pagpupulong ng GOCC ay ginawa dalawang beses sa isang buwan.

Dahil dalawang beses sa isang buwan ay malaki-laki ang tinatanggap na honoraria ng mga opisyal ng GOCC kung pagbabasehan ang umano’y ibinibigay na P40,000 honorarium kada meeting.

Dapat ay isang beses kada quarter lamang ang pagpupulong ng mga opisyal ng GOCCs, tulad ng normal frequency ng mga board meetings pero dumadalas ito.

Bilang rekomendasyon ng Socio-Economic Planning chief ay iginiit itong gawin na lamang performanced-based ang bonus ang ipagkakaloob sa mga opisyal at mga regular na empleyado ng GOCCs.

Ang usaping ito inaaral na nang mabuti kaya asahan na sa mga darating na araw ang pag-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ipatutupad na pagbabago sa GOCC sector.

Sang-ayon tayo sa hangaring ito ng gobyernong Duterte dahil matagal naman na talagang pinagdidiskitahan ang mga GOCCs na ito na sa halip na makatulong sa gobyerno ay sila pang su­misipsip sa pondo ng bayan bunsod ng sobra-sobrang benepisyong tinatanggap.

Hangad nating maipatupad na ito sa lalong madaling panahon upang sa gayon ay mapakinabangan na ng mga nangangailangan nating mga kababayan ang sobra-sobrang pondong bumabagsak sa mga GOCCs.