Hindi ingrato ang Pinoy

By

Tinawag na ingrato ni PNP Chief Gen. Dela Rosa ang mga kritiko ng war on drugs. Aniya ingrato ang mga pumupuna­ sa war on drugs dahil nakikinabang naman daw sila sa peace and order.

Ang ganitong pagtingin ay hindi naaayon para sa isang kawani ng gobyerno lalo pa mismo ng isang mataas na opisyal.

Ang mga tagapaglingkod sa gobyerno ay hindi­ dapat naniningil sa serbisyong ibinibigay sa taumbayan.

Kaya nga ang tawag ay serbisyo publiko. Ibig sabihin, tayo ay nandito para pagsilbihan ang mga mamamayan.

Hindi­ tayo nasa gobyerno para magpasikat at singilin ang mga kababayan natin sa trabahong nagawa.

Ang pagtatrabaho sa gobyerno ay isang karangalan. Binibigyan ka ng pagkakataon na pagsilbihan ang iyong mga kababayan.

Imbes na singilin ang taumbayan,­ dapat pa nga silang pasa­lamatan sa pagkakataon­ at tiwalang ibinigay para paglingkuran sila.

Ang taumbayan ay walang utang na loob sa ating mga halal at itinalagang­ kawani ng gobyerno. Trabaho natin na sila ay paglingkuran.

Imbes na pagsalitaan nang hindi maganda ang mga kritiko, mas maiging tanggapin ang mga kritisismo bilang pagkakataon upang pagbutihin ang pagganap ng mga tungkulin at pagpapaabot ng serbisyo.

Taumbayan ang pinag­lilikungaran ng pamahalaan. Taumbayan din ang may karapatan na punahin kung may pagkakamali ito at hinding-hindi ito matatawag na ingrato.

 Habang umiiral ang demokrasya sa bansa,­ karapatan ng bawat mamamayan na punahin at labanan ang mga mali sa gobyerno.

Katunayan, sa isang demokrasya, napa­kahalaga na mayroong boses ng pagtutol. Ang pagtutol at mga kritisismo, partikular na sa mga polisiya na isinusulong ng gobyerno, ay nakakatulong upang mapabuti ang kalidad ng serbisyo publiko.

Ito ay nangangahulugan ng isang buhay na demokrasya kung saan ginagamit ng taumbayan ang kapangya­rihan nilang papanagutin at siguraduhing ginagampanan ng mga opisyales at kawani ng gobyerno ang kanilang trabaho.

Ang taumbayan ay tutok ngayon sa war on drugs dahil na rin sa ito ang pangunahing polisiya­ ng administrasyong Duterte.

Natural na ipahayag ng mga mamamayan ang pagtutol dito lalo na sa kaliwa’t kanang pagpatay kaugnay nang pagsugpo sa ilegal na droga.

Tatahimik na lang ba ang mga tao sa mga patayan dahil sa war on drugs? Tatahimik na lang ba kahit mga walang kinalaman at kalaban-laban ang pinapatay ng mga tiwaling pulis?

Hindi mo matatakpan ang mata, tenga at bibig ng mga Pilipino sa mga maling nangyayari sa ating bayan.

Hindi mananahimik ang taumbayan sa mga maling gawain ng mga opisyales at kawani ng gobyerno na dapat ay nagsisilbi sa kanila. Ganyan ang demokrasya na dapat igalang ng lahat.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa: Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com FB:/Rep.AlejanoMagdalo Twitter:@AlejanoGary