Tinuksong aswang

GRADE 5 KINADENA ANG SARILI

By

Isa na namang estudyant­e na biktima ng pambu-bully sa eskwelahan ang nagbuwis ng buhay sa lalawigan ng Iloilo.

Halos nangingitim na ang mukha at lawit ang dila nang matagpuan ng mismong ina ang biktimang si alyas ‘Nonoy’, 11-anyos, Grade 5 pupil, ng Bgy. Carl Menor, Legane­s ng naturang lalawigan na nakabitin gamit ang kadena ng aso sa loob ng kanilang kuwarto kamakalawa ng hapon.

Sa salaysay ng hindi na pinangalanang ina ng biktima, maaaring ang panunukso at pagtawag na aswang sa anak ang nagtulak dito para kitlin ang sariling buhay.

Base sa imbestigasyon, sinabi ni PO2 Leo Barnuevo ng Legane­s Municipal Police na umamin umano ang ina ng biktima na nakararanas ng depresyon ang anak dahil sa pambu-bully ng kanyang mga kaklase.

Sa salaysay ng ina ng biktima, bago pa ang insidente ay kinagalitan pa niya ang anak dahil ayaw pumasok at kumain sa dahilang tinutukso umano ito ng mga kaklase na may lahi silang aswang pero pumasok pa rin ito.

Pagdating ng hapon, nakita na lamang ng ina ang nakabigting anak na wala nang buhay.