Gloria ‘di kakalas sa mayorya

By

Walang indikasyon na kakalas si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa supermajority sa kabila ng pagtanggal sa kanya bilang De­puty Speaker for Central Luzon.

Sa ambush interview matapos ang kanilang press conference kung saan inilunsad ang librong sinulat ni Atty. Estelito Mendoza ukol sa West Philippine Sea (WPS), tinanong si ­Arroyo kung ano ang aasahan ng publiko sa kanya pagbalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo.

“Just be supportive,” ang maiksing sagot ni Arroyo sa nasabing katanu­ngan. Hindi na ito nagbigay ng karagdagang statement at umiwas na sa iba pang katanungan.

Dahil dito, ipinapalagay na mananatili si Arroyo sa supermajority na pinamumunuan ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez ng PDP-Laban.

“Not interested,” sagot din ni Arroyo nang matanong kung may plano itong maging Speaker of the House.

Magugunita na tinanggal bilang deputy speaker­ si Arroyo matapos ­bumoto ng “no” sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa na kanyang ibinasura noong 2006.

Si Arroyo ay miyembro ng Lakas-CMD na nakipag-alyansa sa PDP-Laban sa Mababang Kapulungan kaya bahagi ang mga ito sa supermajority.

Samantala, wala pang impormasyon kung sino ang ipapalit ng Central Luzon Bloc kay Arroyo sa nabakanteng posisyon.