Farm helper sinaksak ng kainuman

By

Kamatayan ang sinapit ng isang 36- anyos na farm helper makaraang saksakin ng nakaalitang kainuman noong Lunes ng gabi sa Purok 1, Brgy Sto. Rosario sa bayang ito.

Batay sa ulat ni P/Chief Inspector Erwin Ferry sa tanggapan ni Mayor Imee L. De Guzman, nakilala ang biktimang si Joel Dawal Manjares, Bicolano, residente ng Purok 1, Brgy. Sto. Rosario, Sto. Domingo, Nueva Ecija.

Nabatid na dakong alas-8 ng gabi habang pauwi na sa kanilang tinutuluyan ang biktima kasama ang suspek na si Ferdinand Albano, alyas “Paks”, 30 anyos, at si Randolf Dagdag Baculad, 28 na tubong Mindoro Occidental, nang magkayayaang mag-inuman sa Nancy Store, Purok 2 Brgy. Sto. Rosario.

Ayon kay Baculad nagkairingan na sa inuman ang dalawa at muling nagtalo habang naglalakad pauwi.

Bigla umanong bumunot ng nakasukbit na patalim sa bewang si Albano at inundayan ng saksak sa tiyan si Manjares na binawian ng buhay noon din sa dami ng nawalang dugo.

Mabilis namang tumakas ang salarin patungo sa gawing Purok 2. Kasong homicide ang isinampa kontra kay Albano.