Ex-OFW itinumba sa loob ng bahay

By

Patay ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) nang pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang mga salarin habang ang biktima ay nagpapahinga sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Jesus Dela Peña sa Marikina City kamakalawa ng gabi.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Roberto Dumlao, alyas ‘Obet,’ 67, biyudo, at residente ng no. 49B Capt. Sendo Street, sa Barangay Jesus Dela Peña sanhi nang tinamong apat na tama ng bala sa ulo at isa sa kanang braso.

Mabilis na nakatakas ang apat na ‘di nakilalang suspect na lulan ng dalawang motorsiklo, matapos pagbabarilin ang biktima.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula, ang insidente ay naganap dakong alas-9:05 ng gabi sa tahanan ng biktima.

Sa salaysay ng ilang residente, dumating ang mga suspect na lulan ng dalawang motorsiklo, isang kulay asul na MIO MXi at isang itim na Sky Drive Motor, at huminto sa tapat ng eskinita ng Capt. Sendo Street nang nasabing lungsod.

Bumaba ang dala­wang angkas ng motorsiklo at pumasok sa eskinita at makalipas ang ilang sandali ay nakarinig na sila ng limang sunod-sunod na putok ng baril.

Tumatakbong pabalik ang dalawang backri­der at muling sumakay ng motorsiklo, saka humarurot papalayo sa nasa­bing lugar.