Erpat ni Nadine ‘di lusot sa suicide ng anak

By

Hindi lusot at posibleng makasuhan ang ama ng sikat na aktres na si Nadine Paguia Lustre kapag napatunayang siya ang may-ari ng kalibre .380 baril na ginamit sa pagpapatiwakal ng kanyang 16-anyos na anak sa Quezon City noong gabi ng Oktubre 8, 2017.

Nauna nang pumirma ng waiver ang ama ni Nadine na si Ulysses Lustre sa pagtanggi nito na isailalim pa sa awtopsiya ang bangkay ng anak na si Isaiah Paguia Lustre na nagbaril sa ulo, dahil kumbinsido umano siya na nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbaril ang nakababatang kapatid ng aktres.

Ayon sa source ng TONITE sa Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD), kailangan pang maimbestigahan ang ama ng biktima sa nangyaring insidente.

Si Isaiah, high school student, ay natagpuang duguang nakahandusay sa loob ng kanyang silid sa No. 19 Hilo St., Silvina Village, Barangay Talipapa ng nasabing lungsod.

Nagtamo ito ng tama ng bala ng baril sa ulo.

Hindi pa batid ng pamilya Lustre ang tunay na dahilan kung bakit nagpakamatay si Isaiah.
Batay sa pahayag ng nakababatang kapatid na babae ni Nadine na nakilalang si Naomie, alas-7:45 ng gabi abala ito sa paglalaro ng i-pad nang nakarinig siya ng dalawang putok ng baril mula sa silid ni Isaiah.

Agad niyang tinungo ang silid ni Isaiah at doon ay bumungad sa kanya na nakabulagta na ito at tumatagas ang dugo sa ulo.

Sa matinding takot ay tinawag niya ang kanyang kuya na nakilalang si Ezexiel.

Sa takot ay agad namang humingi ng tulong ang mga kapatid ng biktima sa kanilang mga kapitbahay at isinugod sa Pacific Global Medical Center ang binatilyo subalit namatay din ito pagdating sa ospital.

Sa pahayag ng mga kapatid ng biktima sa pulisya, wala namang nasasabing mabigat na problema sa kanila si Isaiah pero nitong mga huling linggo ay napapansin na umano nila ang pagiging malungkutin, bugnutin, ayaw makipag-usap sa kanila at laging nagkukulong sa kanyang silid.

Nakasamsam ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng 2 live ammunitions ng caliber .380 na walang serial number na umano’y ginamit ng biktima sa pagpapakamatay.

Samantala, nananatiling tikom ang bibig ng kampo ng aktres sa sinapit ng kapatid nito.