Earthquake drill seryosohin


Kailangang seryosohin ng mga tao ang mga inilulunsad na earthquake drill ng ilang ahensya ng gobyerno sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor.

Kaakibat ng pagseryoso sa earthquake drill ay marapat na maghanda ang bawat isa ng emergency kits sa bawat kabahayan upang sakaling makaramdam tayo ng malakas na lindol katulad ng pinangangambahang “Big One” ay preparado tayo.

Panahon na rin para obligahin ang mga pribadong kompanya ng gobyerno na magpatupad ng earthquake drill sa kanilang mga tanggapan lalo na ang mga nag-oopisina sa mga matataas na gusali sa Metro Manila.

Ang usapin sa earthquake drill ay naging mainit dahil sa naranasang paglindol kamakalawa sa Batangas na naitala sa magnitude at naramdaman din sa ilang bahagi ng Luzon.

Kaya naman maging sa Metro Manila ay maraming residente ang naalarma sa nangyaring lindol.

Pero ayon mismo sa ilang tagapamahala ng mga gusali, naging maayos ang evacuation ng karamihang nakaranas ng lindol.

May sistema na umano at hindi katulad ng dati na nagpa-panic agad na maaa­ring bunga umano ng serye ng earthquake drill na isinasagawa ng ilang ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Natutuwa tayo sa positibong resulta ng earthquake drill at hangad nating magkaroon ng sapat na edukasyon ang lahat upang kahit na sa mahinang pagyanig ay alam ng lahat ang gagawin upang walang pag-panic na mangyari na kadalasang nagiging resulta ng stampede.

Kaya hangad natin ang partisipasyon ng lahat sa earthquake drill dahil para sa kaligtasan din nating lahat ito.