Dumulog sa Registry of Deeds

By

Dear Atty. Claire,

Magandang araw po. Ako po si August ng Marikina City. Meron po akong nabiling da­lawang lote sa Rodriguez, Rizal, fully paid na po ito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ibinibigay ang titulo ng nabili na­ming lupa ng isang developer na may initials na P.D.C.

Last year ay nag-file ako ng kaso sa HLURB dahil natuklasan namin na 14 years na hindi nabayaran ng developer ang property­ tax. Naaksiyunan naman agad ‘yun at nagharap kami ng developer sa HLURB August 2015. Nangako­ sila na within 3-6 months ay ibibigay ang titulo ng lupa namin pero hanggang ngayo­n ay wala pa po. Meron po silang pinapirma sa amin na Deed of Absolute Sale pero hindi­ nakabalik sa amin ‘yung documento.

Tanong ko po, possible po ba na ma-refund namin ‘yung mga ibinayad namin sa lupa kung hindi nila maibi­gay ang titulo sa amin? Hawak na po namin ang Certificate of Full Payment.

Maraming salamat po at pagpalain po kayo ng Poong Maykapal.

– August

***

August,

Kung hanggang ngayon ay hindi­ pa naibibigay ang titulo­ ng lupa ay talagang­ malaking problema iyan lalo pa at sinasabi mo na hindi nababayaran ang amil­yar ng halos 14 years na. Ang pangamba ko lamang ay baka iyan ay nakapangalan pa rin sa developer… o ito ay nakasanla sa bangko… o kaya naman ay baka mailit o mapasubasta na ng local go­vernment na may sakop sa lupa dahil sa hindi nababayarang amilyar. Kapag ganyan ang nangyari ay baka dumating ang panahon na mapunta sa highest bidder ang ari-ariang iyong nabili na.

Una mong gawin ay puntahan mo sa Register of Deeds na may sakop sa ari-arian at alamin ang estado o status ng nasabing lupa. Makikita mo sa kopya ng titulo kung ito ba ay nakasanla o malinis­. Kung nagkataon na ito ay nakasanla nang wala kayong kaalam-alam ay magagamit mo itong dahilan upang ipawalang-bis­a ang naging Kontrata ng Bilihan at bawiin na ang lahat nang naiba­yad at ang mga danyos na natamo ninyo dahil sa kanilang panloloko.

Pangalawa, alamin sa Assessor’s Office ang pinakahuling­ taon kung kailan nabayaran ang amilyar dahil kapag hanggang ngayon ay may utang pa rin ang developer ay malamang na ito ay maging isa sa maaaring ipasubasta ng Office of the City Treasurer. Ito ay magagamit mo rin na karagdagang dahilan para ipawalang-bisa ang kontrata ng bilihan.

Kung decided ka na ipawalang-bisa ang kontrata ay sumulat na sa developer at ilagay sa sulat na pinapawalang-saysay o bisa mo na ang kasunduan dahil sa kanilang hindi pagtupad sa kasunduan at sa mga violation ng mga batas at alituntunin na nagdudulot na labis na danyos sa inyo at dapat na ring ibalik lahat ng naibayad at ang halaga ng danyos.

Panotaryohan na rin ang demand letter na ito.

Kapag hindi tumugon ang mapang-abusong developer ay isampa mo na ang kaso sa HLURB tungkol sa pagpapawalang-bisa ng kontrata.

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o 922 0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.