‘Di dapat kalbaryo center

By

Aligaga nitong nagdaang mga linggo ang Amerika dahil sa malalakas na bagyo na tumatama sa kanila nitong nakalipas na ilang linggo. Pero ang kahanga-ha­nga, kahit malaki ang iniiwang pinsala ng ulan at hangin, hindi naman ganung karami ang pinsala sa buhay ng tao.

Kung tutuusin, aba’y hindi naman pala talaga tayo naiiwan sa problema sa baha kapag panahon ng tag-ulan. Maging ang mga mauunlad na bansa gaya ng Japan, China at Amerika, nalulubog din sa baha gaya ng naranasan na pagtama ng mga bagyo nitong nagdaang mga araw.

Kahit nga maging ang Hong Kong, aba’y pinaluhod din kamakailan ng category 10 nilang bagyo na si Hato, na tumama rin sa Macau. Pambihira ang lakas ng hangin at ulan na dala ng bagyong ito pero nag-iwan lang ng ilang dosenang nasawi.

Sa US, matapos hagupitin ng bagyong ‘Harvey’ ang Texas, hinambalos naman ng bagyong ‘Irma’ ang Florida, na nanalasa rin ng husto sa iba pang teritor­yo sa Caribbean, tulad ng Puerto Rico, the Dominican Republic, Haiti at Cuba.

Hindi biro ang category 4 na lakas nina ‘Harvey’ at ‘Irma’. Isa na lang at magiging kasing lakas na nila si ‘Yolanda’ na category 5 na tumama sa Samar. Pero ito ang lakas ni ‘Irma’ nang dumaan sa Caribbean kaya alam na natin kung ano ang posibleng iniwan nito sa mga binaybay niyang mga lugar.

Marami ang nakapuna sa tila sobrang ‘wild’ ng mga bagyo nitong nagdaang mga linggo na tumama sa Japan at China at maging sa US at Caribbean. Marami ang nag-iisip na baka raw dulot ito ng global warming na nagpapainit sa ibabaw ng mga karagatan kaya nagiging mas malalakas ang nalilikhang bagyo.

Dito sa atin sa Pilipinas, hindi na bago kung nagkakaroon man malalakas na bagyo dahil nasanay na yata ang mga kababayan natin, pati na nga yata ang ating mga opisyal. Bagay na hindi dapat.

Dapat matuto ang mga opisyal natin sa ginaga­wang paghahanda ng ibang bansa kapag alam nila na sobrang wet and wild ng darating bagyo.

Sa Florida, dahil unang nagmarka si ‘Irma’ na category 5, na pinakamalakas na mararanasan nila sa ilang dekadang nagdaan, aba’y inutusan nila ang mga tao na lumikas at umalis muna sa kanilang mga bahay.

Kaya naman ayon sa mga lumabas na ulat, mil­yong katao ang umalis ng Florida, upang makaiwas sa peligro ng bagyo. Inaasahan kasi nila na bukod sa malakas na hangin, maaaring magdulot din ng daluyong ang bagyo tulad ng ginawa noon ni ‘Yolanda’.

Kung totoo man o hindi na may kinalaman ang global warming sa paglakas ng mga bagyo, ang katotohanan, dapat maghanda na rin talaga ang bansa ng mga programa at mga estruktura gaya ng mga ligtas at makataong evacuation centers sa mga lugar na laging tinatamaan ng malalakas na bagyo na puwedeng puntahan ng mga tao.

Para kapag oras ng peligro, kusa na silang aalis ng kanilang bahay at pupunta sa tunay na evacuation centers at hindi kalbaryo centers.

Ang hirap kasi sa bansa natin, pag-uusapan lang ang isyu kapag may nangyaring trahedya; magsisisihan at magkakaroon ng mga plano. Pero pagkaraan ng ilang buwan, nganga na uli hanggang sa mangyari ulit ang trahediya.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)