Dagdag-allowance kina GM Torre, ‘Bata’ Reyes

By

Matapos ang may 26 na taon, nabigyang halaga ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga sakripisyo’t binigay na mga karangalan sa bansa nina Asia’s first chess Grandmaster Eugenio Torre at many-time world billiards champion Efren “Bata” Reyes.

Iniangat na ng government sports agency ilang araw pa lang ang nakararaan ang mga natatanggap na monthly allowances ng dalawa na may dagdag pang responsibilidad bilang national playing coaches.

Nabatid ito kamakalawa kina PSC Commissioners Charles Raymond Maxey at Ramon Fernandez sa wakas ng 3-day PSC Directional Meeting kung saan inihayag din na makakapantay na rin ng mga differently-abled athletes ang mga buwanang sahod ng mga aktibong regular (national) athletes.

“We (PSC Board) have decided na ipantay ang mga makukuhang allowances ng ating mga differently-abled athletes sa ating mga legitimate national athletes,” pahayag ni Maxey. “Matagal na kasi silang nagsasabi sa atin for equality and fairness so we think it is high time to give them their dues.”

Sinabi naman ni Fernandez na nagdesisyon ang ahensya na ibigay ang P60,000 monthly allowance kay Reyes bilang national playing coach ng billiards habang P41,000 kay Torre na kapwa matagal na rin nagsilbi bilang atleta at may kapasidad na ring gaya kay Reyes.

Tumatanggap lamang ng P13,000 monthly stipend bilang national chess player si Torre dahil sa hindi naisali ang sports na chess sa huling dalawang edisyon ng Southeast Asian Games habang gayundin si Reyes.