Congressmen napikon sa impeachment hearing

By

Napikon ang ilang kongresista sa Clerk of Court ng Supreme Court (SC) matapos na hindi nila ito mapiga sa pagsagot kaugnay sa kanilang katanungan tungkol sa sinasabing ‘intentional delay’ na ginawa umano ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno para sa paglilipat ng kaso ng mga naarestong miyembro ng Maute terror group sa labas ng Marawi City.

Isa sa napikon kay SC Clerk of Court Atty. Felipa Anama ay si House committee on justice chairman Reynaldo­ Umali dahil sa panay iwas nito na sagutin ang mga katanungan.

Partikular na ayaw sagutin ni Anama ang tanong kung si Sereno ang nagsisilbing member-in-charge at ponente sa kahi­lingan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na ili­pat ang kaso ng Maute Group sa labas ng Marawi.

Panay ang giit ni Anama ng rules of the court na nagbabawal sa kanya na ibunyag ang ponente o member-in-charge sa kaso.

“You are just sho­wing that you are not being very cooperative with this committee… kaya nga po hinihingi namin, tulungan ninyo kami bumilis tayo… You are invited here to testify on the allegations against the chief justice. Hindi po kayo pumunta rito para maging courier ng dokumento. Huwag po tayong maging pilosopo dito. I can fully­ read and understand fully­ what’s in the resolution,” panenermon pa ni Umali.

Ngunit tugon naman ni Anama na nirerespeto niya ang komite.

Ang sinasabing ‘intentional delay’ na ginawa umano ni Sereno sa pagpapalabas ng reso­lusyon kaugnay sa natu­rang kahilingan ni Aguirre ay kasama sa mga ginamit na batayan sa pagsasampa ng impeachment complaint laban sa Punong Mahistrado.