Cogie Domingo laya na sa drug case

By

Nakalaya na ang aktor na si Cogie Domingo matapos magpiyansa sa kasong isinampa laban sa kanya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng pagkakaaresto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sinabi ito ni PDEA Deputy Director for Ope­ration Raul Lasala nang maging panauhing pandangal sa pagdeklara sa probinsya ng Romblon bilang drug-cleared pro­vince na.

“Ang pinaka-status sa Cogie Domingo case, out on bail siya, nasampahan na ng kaso pero nagpiyansa so waiting na lang sa order ng court,” ayon sa maikling pahayag ni Lasala.

Naaresto si Domingo kasama ang dalawang iba pa sa isang anti-illegal drugs buy-bust operation ng PDEA sa Parañaque City noong Oktubre 27.

Target umano ng ope­rasyon ng PDEA ang kasamang babae ni Domingo nang magsagawa sila ng buy-bust at naaktuhan lamang na bumibili rin ang aktor ng hinihinalang shabu.

Itinanggi naman ni Domingo na gumagamit siya ng iligal na droga.