Away sa casino:

CHINESE, KOREAN NAGPATAYAN

By

Nang dahil lamang sa utang sa sugal, nasawi ang isang Chinese national nang saksakin ng isang Korean national dahil na­galit umano ang huli sa hindi pagbabayad ng utang sa casino ng biktima na naganap sa isang condominium sa Pasay City kahapon.

Hindi na umabot nang buhay sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Shang Gou Rui, 62, na nagtamo ng maraming tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa isang patalim.

Nakakulong naman sa Pasay City Police detention cell ang Korea­nong suspek na si Min Byeongyun, 64, at nahaharap ito sa kasong murder.

Lumalabas sa report, dakong alas-dos ng hapon nang maganap ang insidente sa tinutuluyang condominium ng biktima at suspek sa Unit 512, Sea Residences Condominium, Mall of Asia (MOA) Complex ng nasabing lungsod.

Nabatid na magkasamang nanunuluyan ang biktima at ang suspect sa naturang condo unit at habang nanonood ng telebis­yon ang dalawa ay biglang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga ito.

Ayon sa helper ng biktima na si John Carlo Sera Jose, narinig nitong nagkakalabugan sa living room ng naturang condo unit dahilan upang alamin niya ito.

Laking gulat ni John Carlo na sinasaksak ang kanyang amo ng natu­rang suspek.

Kung kaya’t tinangka nitong awatin at isang pang kaibigang Chinese national­ na hindi na binanggit ang pangalan ng kanyang amo ang suspek na Koreano.

Subalit sila naman ang tangkang pagbalingang saksakin ng suspek sa kanilang ginawang pag-awat.

Kung kaya’t umiwas ang dalawa at pagkatapos ng pananaksak ay tatakas sana ang Korean national, subalit kaagad itong nasakote ng nakatalagang security guard ng condominium hanggang sa dinala ito sa Pasay City Police Headquarters.

Samatalang, mabilis namang isinugod ni John Carlo ang biktima sa naturang ospital, ngunit binawian ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Nabatid, na nagalit umano ang suspek sa hindi pagbabayad ng utang ng biktima na naging dahilan ng kanilang pagtatalo na nauwi sa pananaksak at pagpatay.

Napag-alaman na parehong manunugal sa casino ang nasawing biktima at ang suspek.

Dahil dito patuloy naman na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente at inihahanda na rin ang pagsampa ng kasong murder laban sa nadakip na suspek.