Casino security idadaan muna sa PNP

By

Matapos isisi sa internal security ng Resorts World Manila ang maluwag na pagpasok ng gunman na si Jessie Carlos at pagkamatay ng 38 katao, isinusulong ngayon sa Kongreso na lahat ng casino internal security units ay kailangang iparehistro ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Philippine National Police (PNP) Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA).

Ayon kay House committees on public order and safety Chairman Romeo Acop, malinaw sa imbestigasyon ng Kamara sa RWM incident na mara­ming security lapses­.

Upang hindi na maulit ang kahalintulad na pangyayari at masiguro ang kahandaan ng mga security personnel ng casino sa mga ganitong uri ng pag-atake ay dapat umanong tiyakin ang skills at competency ng mga nagbabantay.

“If we come up with such a legislation, would PAGCOR not disagree with this?” pahayag ni Acop kung saan una nang sinabi ni PAGCOR vice president Roderick Consolacion na suportado nila ang ganitong panukala.

Sinabi ni Acop na bago isyuhan ng SOSIA security accreditation ang mga casino ay dadaan sa matinding training ang ­internal security at tuturuan kung paano umakto kung may pagbabanta.

Una nang pinunto ng mga mambabatas sa naganap na dalawang hearing sa RWM incident na kung naging maagap lamang at walang security lapses ay maaaring walang casualty sa insidente lalo at hindi naman pinuntirya ng suspek ang mga guests at ang motibo nito ay makapanira lamang ng property sa RWM at magnakaw ng milyong halaga ng casino chips.

Bukas, Hunyo 21 nakaiskedyul ang ikatlong araw ng House inquiry sa RWM incident.