Cargo movers swak sa semis

By

Mga laro bukas: (FilOil Flying V Centre)

4:15 p.m. – Foton vs Sta Lucia
7:00 p.m. – Cignal vs Cocolife

Swak sa semifinals ang top seed F2 Logistics matapos nilang pagulungin ang Iriga City, 25-19, 25-12, 25-17, kagabi sa knockout quarterfinals ng Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa FilOil Flying V Centre, San Juan City.

Sariwa pa ang panalo ng Cargo Movers sa Lady Oragons sa huling araw ng elimination round kaya naman inulit lang ng F2 Logistics ang game plan nila sa quarters.

“Sila ang nakalaban namin last week, kaya uulitin mo lang ang ginawa mo, alam mo nang konti lang ang Iriga,” sambit ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus.

Nagtulong sina imports Kennedy Bryan ng USA at Maria Jose Perez ng Venezuela upang akbayan ang Cargo Movers papuntang semis sa event na suportado ng Mikasa, Grand Sport, Senoh, Mueller, Island Rose, Cloudfone at UCPB Gen.

Kumayod sina Bryan at Perez ng 14 puntos at 12 markers para sa Cargo Movers, ayon sa pagkakasunod.

Tumikada si Serbian import Tamara Kmezic ng 15 points para sa Iriga City habang 10 ang inambag ni Japanese spiker Saam Miyagawa.

Makakalaban ng F2 Logistics sa semis ang mananalo sa pagitan ng Cignal at Cocolife.

Parehong tinumbok ng Cargo Movers sa elimination ang HD Spikers at Asset Managers.