Caloocan Police headquarters nasunog

By

Naabo ang mala­king bahagi ng Caloocan City Police Station na matatagpuan sa Samson Road matapos masunog na pinaniniwalaang dahil sa faulty electrical wiring, kahapon ng umaga.

Sa ulat ng tanggapan ni Supt. Gary Alto ng Bureau of Fire Protection, alas-4:30 ng madaling-araw nang sumiklab ang apoy sa gitnang bahagi ng headquarters kung saan naroroon ang mga opisina ng Scene Of the Crime Operatives, administration, personnel, supply, investigation, ope­rations, police community relations, Northern Media Group (NMG) at Camanava Press Corps.

Sinabi naman ni Caloocan City Police chief Sr. Supt. Jemar Modequillo na walang nasaktan sa insidente at nailikas din agad ang mga 90 lalaki at 12 babaeng preso na pansamantalang dinala sa firing range ng headquarters.

Wala namang natirang mga dokumento sa mga nasunog na opisina kabilang na ang rekord ng mga kaso ng mga preso at mga sensational case na kagaya ng mga kaso ng summary executions.

Pero, sinabi ni Mo­dequillo na may back-up files naman sila ng lahat ng mga dokumento na regular nilang ipinadadala sa Northern Police District headquarters.

Inaalam pa kung ano talaga ang dahilan ng sunog.