BUMBAY NAPURUHAN SA IKALAWANG AMBUSH

By
683

Isang Indian natio­nal ang hindi pinalagpas pang mabuhay at sa ikalawang pagkakataon ay walang awang pinagbabaril ng hindi nakila­lang mga kababayan ­nitong ­Indiyano, kamaka­lawa ng umaga sa Caloocan City.

Dati na umanong tinambangan ang biktima ngunit nakaligtas kaya sa ikalawang pagkakataon ay siniguro ng mga salarin na mapupuruhan ito.

Sa ulat ng Caloocan City Police, ganap umanong alas-11:40 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Teodor Street corner 5h Avenue, Barangay 55 ng nasabing lungsod.

Kalalabas lang umano ng bahay ng biktimang si Rai Bansal Bhagwant, 60, may asawa, businessman ng nasabi ring lugar.

Sumakay umano ito ng kanyang Susuki AVP na kulay puti at may plakang TVO 547 at papaalis na sana nang big­lang duma­ting ang da­lawang suspek na lulan ng isang motorsiklo at walang habas na pinagbabaril ito.

Sapul sa ulo, dibdib at iba pang bahagi ng katawan ang biktima.

Nang masiguradong wala nang buhay ang biktima ay agad tumakas ang mga salarin nang magkaangkas sa kanilang motorsiko.

Agad namang humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay ang pa­milya ng biktima ngunit hindi na rin nagawa pang maisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima dahil agad ding nasawi ito.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dati na rin umanong tinambangan ang biktima noon pang taong 2006. Nahuli naman ang mga tangkang pumatay na umano’y mga kapwa niya Indian national.

At nitong Pebrero 3 ay napatay din ang isa nitong matalik na kaibigan sa Valenzuela City.

Sa ngayon ay nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, ina­alam na rin ang motibo sa nasabing pagpatay kung may kinalaman sa ne­gosyo ng biktima.