Bukod sa gatas, ano pa ang pampatibay ng buto?

By

Ang mga buto natin ay siyang sumusuporta sa laki at timbang ng isang tao kaya naman kaila­ngan ng buto ang calcium na isang mahalagang mine­ral na kinakailangan ng katawan upang manati­ling matibay at makaiwas sa pagrupok nito.

Alam niyo bang ang inuming gatas, pati na ang mga produktong mula dito gaya ng keso at yogurt ay ang pinaka­kilalang pinagkukunan ng mineral na calcium.

Ngunit, alam niyo rin bang may iba pang mga pagkain na siksik din sa mahalagang mineral na ito at makapagbibigay din ng sapat o kahalintulad na dami ng calcium na nakukuha sa isang basong gatas.

Narito ang siyam pang alternatibong mapagkukunan ng calcium:

1. Broccoli – Isa sa masusustansiyang gulay na nabibili sa mga pami­lihan ay ang broccoli. Bukod kasi sa mga bitamina at iba pang sustansya na makukuha dito, ang 2 tasa ng gulay na ito ay may taglay na 85 mg ng mineral na calcium.

2. Sardinas – Ang sardinas ay isa sa mga itinuturing na pagkain ng mga pangkaraniwang Filipino. Pero ang isang 3 oz na de-latang sardinas ay maaa­ring makuhanan ng 325 mg ng calcium.

3. Salmon – Ang isdang salmon naman ay makukuhanan ng hanggang 180 mg sa isang 3 oz na de-lata.

4. Tokwa -Ang tokwa ay isang produktong mula sa mga buto ng soya. Ang maputing laman na ito ay maaaring makuhanan ng hanggang 400 mg na mi­neral na calcium.

5. Soymilk – Gaya ng tokwa, ang soymilk ay produktong yari rin sa mga buto ng soya. Ang isang tasa ng gatas na ito ay maaaring makuhanan ng hanggang 300 mg ng mineral na calcium.

6. Orange – Ang ­orange ay kilalang prutas na pinagkukunan ng Vitamin C. Ngunit bukod sa bitaminang ito, maaari ring makakuha ng hanggang 55 mg ng calcium sa isang buong bunga nito.

7. Pechay – Ang pechay ay isa sa mga karaniwang gulay na hinahain sa lapag ng mga Fi­lipino. Makakakuha ng hanggang 75 mg sa isang tasa ng dahon nito.

8. Okra – Ang gulay na okra ay karaniwan ding nakikita sa mga pamilihan sa Pilipinas. Ngunti hindi alam ng marami na ito ay may taglay na hanggang 82 mg ng calcium sa bawat tasa nito.

9. Almond -Ang isang ounce o 23 pirasong almond ay maaaring may taglay na 75 mg ng mahalagang calcium.

Ang isang tasa ng gatas ay maaaring makapagbigay ng 250-300 mg na mineral na calcium na mayroon ding taglay na calcium­ ang mga nabanggit na pagkain. Mabuti para sa katawan ang calcium kaya naman kailangan ito upang mapabuti ang kalusugan. ()