Buhay o kabuhayan?

By

Muling naungkat ang isyu sa pagpi-phase-out sa lahat ng luma at bulok na pampasaherong bus kasunod ng ­nangyaring malagim na ­aksidente sa Carangglan, Nueva Ecija na ikinamatay ng may 30-katao na ayon sa pinakahuling ulat ng ­pulisya.

Sa pangunguna ni Senador Tito Sotto ay umapela ito sa ­gobyerno na seryosohin na ang pag-phase-out sa luma at ­bulok na mga ­pampasaherong mga bus ­para sa kaligtasan ng mga ­pasahero.

Sinasabing bumulusok sa bangin na may lalim na 30 metro matapos na mawalan ng preno sa zigzag na bahagi ng bundok.

Ang usaping ito ay nauna nang nakalkal matapos ang aksidente ring nangyari sa isang bus na patungo sa field trip ­lulan ang mga ­estudyante ng Best Link College of the Philippines sa Novaliches, Quezon City.

Matapos ang malagim na aksidente na ikinamatay ng 14 mga estudyante ng Best Link ay kung na­ging maingay ang pana­wagang pagpapatino sa mga driver gayundin sa kalidad ng mga pampa­saherong bus.

Pero ­nakakalungkot dahil matapos ­mailibing ang mga nasawi sa ­aksidente ay ­nanahimik na ­naman ang isyu na animo’y walang ­nangyaring ­trahedya.

Kaya sa ­panibagong aksidenteng ito na ikinamatay ng may 30-katao, manumbalik kaya ang malamig na pagtrato ng gobyerno sa panu­kalang ­pag-phase-out na sa mga lumang mga pampasaherong bus?

Huwag naman na sanang maghintay pa ng mas malagim pang trahedya bago kumilos ang pamahalaan at ipagbawal na nang tuluyan ang mga kakarag-karag na mga pampasaherong mga bus na patuloy na ­tumatakbo sa kalsada sakay ang nakaparaming mga pasahero.

Nauunawaan nating malaking kawalan ito sa mga bus operators pero bago sana tingnan o ikunsidera ng mga kinauukulan ang kahahantungan ng kanilang negosyo dahil sa pagwawalis sa mga bulok na mga sasakyan ay dapat ding tingnan ang kaha­hantungan ng mga pasaherong maaring maging biktima ng mga lumang sasakyan.

Higit sa lahat ay gawin sanang regular ng ­LTFRB ang pagsailalim sa ­examination ng mga ­lisensiyadong ­professional drivers upang matiyak na may kakayahan ­talaga ­silang magmaneho ng mga pampasaherong sasakyan, tulad ng mga bus na kalimitang nasasangkot sa disgrasya.