Brighter prospect

By

Matapos ang ilang krisis, maraming senyales na talagang nakabawi na ang global economy at inaa­sahang tuluy-tuloy ang ganitong paglago.

Bagama’t hindi kasing­ bilis ang pag-arangkada ng pandaigdigang ekonomiya,­ tulad ng inaakalang mangyayari matapos mahalal noong isang taon si Do­nald Trump bilang US pre­sident, maituturing pa rin na may aasahan tayong brighter prospect, ika nga.

Isa sa mga naturang senyales ang pagtaas ng ca­pital expenditure o ‘capex’ ng mga pribadong kum­panya, tulad ng pagbili ng lupain, mga building o equipment na karaniwang kailangan para sa mga bagong proyekto nila.

Ayon sa ulat, tinatayang uusad ng mga 3 porsyento ang global capex ngayong taon na ngayon lang ulit mangyayari simula noong 2012 at indikasyon ng patuloy na paglago ng ekonomiya sa Asia, Europe at US.

Magandang balita ito para sa ating mga OFW na nakakalat sa halos lahat ng sulok ng mundo. Ano mang paglago ng global economy ay nagdudulot ng karagdagang oportunidad sa kanila kabilang na ang mas mataas na sahod, karagdagang business opportunity o mas magaang pamumuhay sa lugar kung saan sila naghahanap-buhay.

Higher Remittance

Kaugnay sa paglago ng global economy, ang mga ‘Bagong Bayani’ pa rin ang isa sa pinakamalaking nakakatutulong sa pag-usad ng ekonomiya ng Pilipinas.

Tinataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na aabot sa $28 billion ang kabuuang halaga ng pe­rang ipapasok sa bansa ng mga OFW ngayong taon, mas mataas kaysa sa $26.9 billion noong 2016.

Ayon sa BSP aabot sa 3.5 porsyento ang paglago ng remittance ng mga OFW ngayong taon kumpara sa 3.1 porsyento noong 2016.

Kung pagsasamahin ang padalang pera ng mga OFW at kinita ng bansa mula sa mga BPO (business process outsourcing) noong nakaraang taon aabot ito sa halos 10 porsyento ng GDP ng bansa.

Sana nga lamang ay maging masinop ang pa­milya ng ating mga OFW sa kanilang mga padala at gamitin ng wasto para hindi masayang ang kanilang pagtitiis at paghihirap sa ibang bansa.

Kind treatment

Isa pang magandang balita ang inilunsad na kampanya ng pulis sa Dubai upang maprotekta­han ang karapatan ng mga katulong sa pag-abuso.

Nanawagan ang pulis Dubai sa mga employer na bayaran naman nang tama ang kanilang mga maid at bigyan nang maa­yos na pagtrato.

Ayon kay Col. Abdul Rahman Al Shair, director ng human trafficking control center ng Dubai Police, ang mga maid ay hindi alipin kaya’t dapat maayos kanilang pagkain at kalusugan at hindi dapat pagtrabahuhin lampas sa 8 oras sa isang araw.

Sa kasalukuyan may isang draft ng batas sa Dubai na naglalayong bigyan ng sapat na proteksyon ang mga domestic workers sa buong United Arab Emirates.

Sa patuloy na kampanya ng ating pamahalaan na pangalagaan ang karapatan ng mga OFW sana ay hindi lamang sa Dubai maipatupad ang ganitong mga batas at sakupin na rin pati ang lahat ng manggagawang mula sa ibang bansa.

Come follow me on Twitter @beeslist or call 833-7085 or emailusapang_ofw@yahoo.com for your comments and queries.