Blooming si Ross


Hindi lang ang laging nakaayos na hair style ni Chris Ross ang namumukadkad at kapansin-pansin sa court.

Mas lalo ang kanyang laro habang papasok na sa homestretch ang PBA Governors Cup.

Pagkatapos ng dalawang talo ng grand-slam seeking San Miguel Beer, nag-umento ang laro ng 32-anyos na si Ross.

Nasa playoff mode siya, nag-average ng 23.5 points, 4.0 assists, tig-3.5 rebounds at steals para giyahan ang Beermen sa back-to-back wins kontra Rain or Shine at Ginebra.

“The playoff mode has to come early, and I just want to be aggressive for my team, look for my shots, but it’s a total team effort,” ani Ross, sa ‘di-matatawang performance ay tinanghal na PBA Press Corps Player of the Week (Sept. 4-10).

Sa 90-79 loss ng SMB sa Alaska, naka-four points lang at may five turnovers pa si Ross.

Bumawi siya noong Miyerkules kontra Elasto Painters nang magbaon ng limang 3-pointers tungo sa personal conference-best 27 points at 103-96 win ng Beermen.

Makalipas ang apat na araw, nakipagsabwatan si Ross kina Alex Cabagnot, bagong ­import Terrence Watson, Arwind Santos at June Mar Fajardo para pigilin ang seven-­game win-streak ng Gins. Tumapos si Ross ng 20 points, 5 assists, 4 rebounds at 4 steals.

Angat sa 5-3 ang SMB kabuhol ang TNT sa fourth. May limang araw na pahinga ang Beermen bago harapin ang Kia sa MOA Arena sa Sabado.