‘Bitayin ang mga rapist ni ate Mabel’

By

Magkahalong paghihinagpis at matinding galit ang nararamdaman ngayon hindi lamang ng pamilya at mga nakaka­kilala sa isang 22-anyos na bank employee kundi maging ng mga netizen na sumusubaybay sa kaso ng karumal-dumal na pagpatay sa kanya matapos gahasain at sinunog pa sa Pasig City.

Ang biktimang si Mabel Cama y Tagala ay nagtatrabaho sa isang sangay ng Malayan Bank sa Makati City at nakatira sa Ortigas Avenue Extension sa Brgy. Rosario, Pasig City.

“Dapat sa mga yan pag nahuli i-broadcast at bitayin para madala mga kapwa nila rapist,” komento ni Rosslan Noma Castillo sa Facebook post nito.

“Sana mabigyan po ng hustisya Ang pagkamatay ng ate Mabel ko,” post naman ni Mhilca Serame sa FB.

“Dapat mabigat na parusa ang ipapataw sa mga manyakis na yan, lulong sa drugs ang gumawa nyan at siguro kilala ng biktima kaya tinuluyan na nyang patayin kasi maisusumbong sya, sana mawala na ang mga adik at rapist dito sa pasig,” pahayag naman ng netizen na si Sharon Jaime Pachejo Lumenda.

Gayundin ang pana­wagan ng ama ni Mabel na si Reynaldo Cama y Talento, 53-anyos, auto electrician ng Mega Bus Line.

“Humihingi po kami ng tulong kay Pangulong Duterte sa masamang sinapit ng anak namin. Malaki pa pangarap ng anak namin at hindi ito nararapat sa kanya,” pa­nawagan ni Mang Reynaldo.

Natagpuan ang bangkay ni Mabel na sunog ang katawan sa impoun­ding area ng Mega Bus Line. Nakatira sila sa likod ng naturang lugar.

Bago nalaman ang pagkamatay ni Mabel ay nagtungo pa sa Pasig City Police Station si Mang Reynaldo at ini-report na nawawala ang kanyang anak na dalaga mula pa noong Biyernes matapos itong umalis sa kanilang bahay.

Sa ngayon ay nag-iimbestiga pa ang pulisya para matukoy kung sino ang may kagagawan ng krimen. Subalit naniniwala ang mga awtoridad na hindi lang isa kundi baka tatlo ang lumapastangan sa dalaga.

Malaki rin umano ang posibilidad na lagi itong nakikita ng mga suspek kapag dumadaan pauwi. Maaaring binabantayan na umano ng mga suspek ang oras ng pag-uwi ng biktima at posibleng hinarang nila ito saka dinala sa impounding area.

Ang naturang lugar ay nagsisilbi umanong garahe para sa ilang accredited towing services ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng ilang kompanya ng bus.

Samantala, may ulat din na ilang kalugar ang nakakita nang umuwi si Mabel sa kanilang bahay pasado alas-11:00 ng gabi noong Biyernes.

Kumakatok umano ang dalaga subalit walang nagbubukas sa kanya hanggang sa may duma­ting na dalawang lalaki at nilapitan si Mabel.

Iyon na ang huling pagkakataon na nakitang buhay si Mabel.

“Gate nako…Nasaraduhan nako…Gate pako antok na antok nako,” naka-post ito sa FB page ng Pasig City Natin na mga huling mensahe ni Mabel sa kanyang FB messenger bago nawala hanggang sa natagpuang patay na at sunog ang katawan sa impounding area.