Binata pinatay, bangkay sinulatan na magnanakaw

By

Isang lalaki ang natagpuang patay sa gilid ng kalsada sa Navotas City kahapon ng madaling-araw na may nakalagay pang karatula sa bangkay na nagsasabing magnanakaw ito at hindi dapat tularan.

Sa ulat ng Navotas Police, pasado alas-kuwatro ng madaling-araw nang makita ng mga residente ang bangkay ng biktimang si Bonifacio Bohol, 27, binata, tricycle driver at naghahanapbuhay din bilang mangingisda, na nakatira sa Dalagang Bukid, Brgy. North Bay Boulevard.

Nalaman sa imbestigasyon ng mga rumes­pondeng pulis na may isang tama ng bala sa ulo ang biktima pero blangko pa ang mga awtoridad kung sino ang pumatay sa binata.

Samantala, itinanggi ng nakababatang kapatid ng biktima na si Rose Ann na magnanakaw ang kanyang kuya at hindi rin aniya ito nasangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

Pero kadalasan umanong napapaaway ang biktima dahil nag-iiba ang ugali nito kapag nalala­sing.