BINARIL SA ULO NABUHAY!

By

Binaril nang malapitan at nasapul sa ulo ang isang lalaki ngunit nakapagtatakang nakaligtas ito at nabuhay pa sa Lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat nina PO2 Jose Romeo Germinal II at PO1 Joenel Claro ng Mala­bon city police, ganap umanong alas-kuwatro ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng Sumano Compound, Manapat Street, Brgy. Tanong ng nasabing lungsod.

Nasa loob umano ng nasabing compound ang biktimang si Emiric Laurence Cano, 20, ng A­dante Street, Brgy. Tanong at busy sa paggamit ng kanyang cellphone nang dumating ang suspek na nakilala lamang sa alyas ‘Baylon’ at malapitang pinaputukan sa likuran ng ulo ang biktima.

Padapang bumagsak ang biktima sa kinauupuan nitong bangketa at nawalan ng malay.
Sa pag-aakalang patay na ay agad na tumakas ang suspek.

Mabilis namang naisugod sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktima na kalaunan ay inilipat din sa Tondo Medical Center, ngunit matapos sumailalim sa medical treatment ay tila milagrong nabuhay ito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at inaalam ang tunay na pagkakakilanlan ng suspek at ano ang posibleng motibo nito sa tangkang pagpatay sa biktima.