BFF magkasamang natulog, magsabay pinatay

By

Magkasamang humandusay sa kamatayan ang matalik at matagal nang magkaibigan nang tambangan ito ng hindi bababa sa tatlong maskaradong suspek na pumasok sa kanilang bahay sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Caloocan City-Bagong Silang Police Community Precint III partikular na ni PC/Insp. Ronald Cayago ay ganap na alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng isa sa biktima na si Fernando Danilo Aquino sa Bagong Silang, Barangay 176 ng nasabing lungsod.

Mahimbing na umanong natutulog sa silid si Aquino kasama ang kababata at matalik na kaibigang si Edwin Malait nang dumating ang mga suspek na lulan ng iisang motorsiklo.

Pinasok nito ang bahay at saka pinuntahan ang silid na tinutulugan ng mga biktima saka walang habas na pinagbabaril ang mga ito sa ulo, ­dibdib at iba pang bahagi ng katawan.

Nang matiyak na patay na ang magkaibigan ay agad ding nagsialis ang mga salarin sakay pa rin ng kanilang motorsiklo.

Napag-alaman na ­kilala umanong nagtutulak at gumagamit ng shabu at marijuana ang magkaibigan na ang karaniwan umanong parokyano ay mga estudyante pa.