Bawian

By
1153

Dear Kuya Rom,

Parehas kaming may trabaho. Dalawang taon kami sa aming relasyon. Sa unang taon, iba’t ibang tourist spots ang pinuntahan namin. Magaling siya sa paghahanap ng mga murang biyahe sa eroplano at napaplano niyang mabuti ang mga lakad namin. Gusto naming mag-enjoy sa holiday trips habang wala pa kaming sariling pamilya.

Sa pangalawang taon, nagbigay kami ng oras na makilala ang mga pamilya namin. Sila ang nagsabing pakasal na kami. Last year, ako ay nag-propose sa kanya sa araw ng Valentine’s Day, at nagplanong pakasal kami sa December 2016.

Pero sa pagdaan ng mga araw, nakakilala siya ng isang lalaki sa internet. Kinukuha siya sa Canada. Nakipagkalas siya sa akin. Gusto niya, maging magkaibigan pa rin kami. Hindi natuloy ang kasal namin. Ngayon, may planong magkikita sila sa Maynila, at dito sila magpapakasal.

Nabalewala ang engagement namin. Puwede bang bawiin ko ang engagement ring na ibinigay ko sa kanya? — Henry

Dear Henry,

Ang engagement ring ay simbolo ng pag-ibig. Kung ito ay ibinigay mo bilang regalo sa kanya sa Valentine’s Day, ibilang mong sa kanya na ito. Sa kabilang banda, kung ito ay ibinigay mo bilang kasunduan na magpapakasal kayo, pero nakipagkalas siya at hindi siya tumupad sa inyong kasunduan, puwede mong bawiin ito. Pero gawin mo ang pagbawi sa isang maayos na paraan.

Sapagkat nananatili kayong magkaibigan, puwede kayong magkita, mag-usap, at magkamustahan, kasama ang inyong mga kaibigan. Sa inyong pagkikita, makikita mo kung may nagbago sa kanya o wala.

Kung hindi niya suot ang engagement ring ninyo, ibig sabihin seryoso siyang magpakasal sa lalaking nakilala niya sa internet. Maaaring itinago niya ang engagement ring bilang alaala ng magandang relasyon ninyo.

Kung suot pa rin niya ang engagement ring ninyo, kausapin mo siya ng tahimik at masinsinan, at itanong mo sa kanya kung bakit suot niya ito samantalang ikakasal na siya sa ibang lalaki.

May mga posibleng dahilan kung bakit. Una, parating pa lamang mula sa Canada ang lalaking pinili niyang pakasalan. Maaaring pagdating ng lalaki ibibigay sa kanya ang engagement ring nila ilang araw bago sila ikasal. Pangalawa, maaaring nakagiliwan na niyang isuot ito o hindi siya naniniwala sa bawian, na babawiin mo ito kanya.

Depende sa sagot niya sa tanong mo, malalaman mo sa kanya kung balak niyang isauli ang engagement ring o hindi. Kung makokonsensiya siya, ibabalik niya ang engagement ring sa iyo. Kung hindi niya ito kusang isasauli, mas mabuting hayaan mo na sa kanya ito upang lubos na maisantabi mo ang nakaraan at hindi ka masaktan kapag nakikita mo ito.

Henry, mas masakit para sa iyo kung kasal ka sa maling babae. Ipaubaya mo sa Dios ang lahat. Matatagpuan mo rin ang babaing inilaan Niya para sa iyo. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom