Basurero pinagtripang patayin

By

Tuluyang binawian ng buhay ang isang scavenger makaraang mapagtripan umanong pagbabarilin ng isa sa tatlong mga suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni P/Supt. Ped­ro Sachez, hepe ng Quezon City Police (QCPD) Station 10, nakilala lang ang biktima sa alyas na ‘Jun-Jun’, na matapos ang halos anim na oras na under observation sa East Avenue Medical Center ay tuluyan na binawian ng buhay sanhi ng tatlong tama ng bala sa katawan.

Base sa pagsisiyasat ni SPO1 Edward Rimando, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente dakong alas-11:40 ng gabi sa harap ng gusali ng GMA network na nasa kahabaan ng Timog Avenue, Quezon City.

Ayon sa testigong si Mylene Dela Cruz, 33, scavenger, papatawid sana siya sa nasabing kalye nang marinig ang mga putok ng baril na inakala umano niyang dahil lamang sa mga paputok o firecrackers.

Nakita din umano ni Dela Cruz ang isa sa mga suspek na nakasuot ng kulay itim na jacket, pants at nakatakip ang mukha habang binabaril ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay naglakad lang ang suspek patungo sa dalawang kasamahang nasa motorsiklo at magkakasamang tumakas.

Agad na nilapitan ng testigo ang duguang biktima habang nakahandusay hanggang dumating ang mga barangay tanod at isinugod sa ospital.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng pamamaril sa biktima.