Bakit kinalimutan ang drug test sa Kongreso?

By

Muli na namang nagsalita si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes na galit siya sa mga taong gumagamit ng ilegal na droga.

Ilang beses na natin itong narinig sa Pangulo simula nang maupo ito sa puwesto noong Hunyo 30, 2016. Ipinapakita lang niya na seryoso siya sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Ang tanong lang natin, kung seryosong nilalaba­nan ng gobyerno ang ipinagbabawal na gamot, dapat ay walang adik sa pamahalaan. Nabanggit ko ito dahil sa scorecard sa war on drugs, ‘yung mga nasa baba ng ating lipunan ang nadale ng kampanya.

Noong Hulyo 2016, naghain ng resolusyon si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers upang sumailalim sa mandatory drug testing ang higit sa 290 kongresista pati na ang kanilang staff at lahat ng empleyado ng Kamara.

“The House of Representatives should underscore its commitment, support and participation to anti-drug policies, programs and projects by ensuring that its own workplace is a drug-free institution,” katuwiran pa ni Barbers sa kanyang resolusyon.

Anong petsa na! Halos mag-iisang taon nang isinampa ni Barbers ang resolusyon eh wala pang aksyon si House Speaker Pantaleon Alvarez. Mas ­inuna pa ang pagdikdik kay Sen. Leila de Lima at ang resbak sa dati niyang BFF na si Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr.

Takot ba si Alvarez na mabuking ang mga adik sa Kamara? O baka naman mayroon siyang kilalang congressman na bumabatak at maaaring sumabit kapag ipinatupad ang mandatory drug test?

Kung seryoso ang gobyerno sa kampanya laban sa ilegal na droga, ipinakita sana ng House Speaker na sa kanyang bakuran, walang gumagawa ng kabulastugan bilang pagsuporta sa kampanya ni Pangulong Duterte.

Nakakabilib pa nga ang ginawa nitong si Sen. Juan Miguel Zubiri. Bilang pagsuporta sa kampanya ng Pangulo, sumailalim ito sa drug test kasama na ang kanyang mga empleyado.

Sumunod na rin sa kanya ang ibang senador. Samantalang si Alvarez, tila nagkaroon ng selective amnesia nang kalimutan nitong may inihaing resolusyon si Barbers para sa mandatory drug test sa mga kongresista.

***

Speaking of Sen. Migz Zubiri, hindi lang siya galit sa ilegal na droga, galit din siya sa mahal na presyo ng ilang medisina sa bansa.

Kaya naman seryoso niyang itinutulak ang pag-amyenda ng Quality and Affordable Medicines Act upang malikha ang Drug Price Regulatory Board na siyang aatasan para pababain ang presyo ng gamot sa bansa.

Pinupuntirya ni Zubiri na bumili ang gobyerno ng murang gamot sa China, India at Singapore at palobohin ang listahan gamot na masasakop ng Maximum Drug Retail Price (MRDP) program upang maisama sa listahan ang mga panlunas sa cancer, end-stage renal disease, biologics para sa psoriasis at lupus, vaccines para sa pneumococcal at flu, hypertension, diabetes, arthritis, asthma at COPD (chronic obstructive pulmonary disease).

Sa hakbang nyo Senator Zubiri, saludo kami sa inyo!


  • Dino GO Ang Bob Uy

    kasi po baka mabuking si Alvarez hehehehe

  • semandaragat

    Dapat isama rin sa drug test ang 1st….2nd….3rd..and 4rth family ng PANGGULO