Ayos lang na walang kasal?

By

Dear Kuya Rom,

Limang taon ko siyang boyfriend. One year na kaming nagsasama. I love him and he loves me. Nag-uusap kami tungkol sa kasal namin.

Pero hindi siya naniniwala sa kasal. Ang ­naiisip niya may mga ikinasal na naghihiwalay at ang ­madalas na dahilan ay pagtataksil. Mas mabuti raw na walang kasal, para kahit may magtaksil, ayos lang, kasi hindi naman kayo kasal.

Kuya, talaga bang wala nang mag-asawang tapat sa isa’t isa ngayon? Bakit sila nagtataksil? Nasa­saktan ako kapag naiisip kong hindi kami kasal pero nagsasama. Parang hindi totoong mahal niya ako. Anong gagawin ko? — Necy

Dear Necy,

Nasasaktan ka sapagkat nahihirapan ang iyong isip na unawain ang isang bagay na malapit sa iyong puso — ang tapat na pag-ibig.

Umuukilkil sa iyo ang tanong na bakit may mga taong taksil at bakit sila nagtataksil? Sapagkat may kalayaan silang isagawa ang gusto nilang gawin. ­Gayunman, mali ang gamit nila ng kalayaan.

Ang kalayaan, kung gagamitin ayon sa ­kalooban ng Diyos, ay may magandang ibubunga sa buhay ng mga taong matuwid. Subalit ito ay makaka­sama sa mga la­lake at babaeng baluktot ang gamit ng kanilang kalayaan.

Halimbawa, ang mga isda ay may kalayaang lumangoy sa dagat sapagkat nilikha sila ng Diyos para mamuhay sa tubig. Ngunit kung aalisin sila sa tubig, sila ay mapapahamak at hindi mabubuhay, ­kahit sila malayang kumilos sa lupa.

Ang pagpapakasal ay kalooban ng Diyos para sa dalawang pusong nagmamahalan. Ibig sabihin ­hindi kalooban ng Diyos na kayo ng boyfriend mo ay ­nagsasama at nagsisiping kahit hindi kayo kasal.

Dahil hindi kayo sumusunod sa kalooban ng ­Diyos, ikaw ay nababalisa, hindi ka matahimik, may mga bagay na gumugulo sa iyong buong pagkatao. Para kang isang bila­sang isda na wala sa tubig at nagpupumilit mamuhay sa lupa.

Ginagawa kang parausan ng lalakeng ito. Ginagamit ka lamang niya, at malaya siyang gumamit ng ibang babae dahil hindi kayo kasal.

Mainam na bumalik kang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kung ayaw ng lalaking ito na pakasalan ka, huwag mong ipilit sa kanya ang iyong sarili at mga bagay na alam mong tama. Kung ­sakaling magbabago ang isip niya at pakasalan ka, ­pabor sa iyo.

Kung talagang hindi siya naniniwala sa kasal at naniniwala ka sa kasal, magiging miserable ka ­lamang. Kaya’t mabuting talikuran mo siya habang maaga, bago tuluyang masira ang iyong buhay.

Kumapit ka sa kamay ng Panginoon. Hingin mo sa panalangin na gabayan ka sa lalakeng magma­mahal sa iyo ng tapat, namumuhay ayon sa ­kalooban ng Diyos, pakakasalan ka, at kayong dalawa ay ­liligaya. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom