Awol na parak timbog sa boga

By

Masusing iniimbestigahan ng Manila Police District (MPD), ang isang AWOL na miyembro ng Philippine National Police matapos madiskubre ang ilang mga hindi lisensiyadong baril na siya mismo ang gumagawa sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Parola Compound, Tondo Manila.

Kinilala ni Police Supt. Amante Daro, Station Commander ng Manila Police District –Police Station 11, ang suspek na si PO1 Cornelio Juanitas Jr., alyas ‘Intoy,’ 34, na dating naka-assign sa Regional Personnel and Holding Account Unit (RPHAU) ng PNP at residente ng 167 Area C, Gate 54, Parola Compound, Tondo.

Dakong alas-5:15 ng hapon nang maaresto ang suspek sa harapan ng kanyang tahanan ng mga pulis matapos makatanggap ng tip ang pulisya na nag-iingat ng hindi lisensyadong baril ang suspek.

Narekober mula kay Juanitas ang dalawang kalibre .45 na baril, isang kalibre .38, isang improvised handgun, isang gun replica, tatlong magazine, 24 na bala, hinihinalang shabu na hindi pa malaman ang dami, at mga drug paraphernalia.

Napag-alaman na nagpapakilala pa ring pulis ang suspek at posible umanong sangkot sa gun for hire at illegal gambling pero biniberipika pa nila ito.

Nahaharap sa kasong kasong usurpation of authority, illegal possession of firearms, at paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002 ang suspek.