AVC: PHL, Alyssa palaban vs. Korea

By

Mga laro ngayon (Alonte Sports Arena)
10:00 a.m. — KAZ vs. VIE
12:30 p.m. — JPN vs. TPE
3:00 p.m. — THA vs. CHN
5:30 p.m. — PHL vs. KOR

Buo ang loob at palaban si volleyball star Alyssa Valdez sa pagbangga ng national squad sa powerhouse Korea.

Ngayong hapon makikilatis ang Pinay netters sa unbeaten Korea sa simula ng quarterfinals classification round ng 19th AVC Asian Senior Women’s Volleyball Championship sa Alonte Sports Arena.

Kasama ng Pilipinas at Korea sa Pool E ang maglalabang Kazakhstan at Vietnam.

Matapos mawalis ang Philippine team sa matatangkad na Kazakhstan 23-25, 20-25, 19-25 sa pool stage noong Biyernes, hindi titindig ang mga balahibo ni Valdez kahit alam niyang dehado sila kontra Korea na ibinabandera si superstar Kim Yeon Koung.

“We’re here to fight, we’re here to learn, we’re here to win,” madiin na sabi ni Valdez.

At dahil sa magandang sistema at teamwork ng team, umaasa si three-time UAAP MVP Valdez na makakapagbigay sila ng magandang laban.

“Laban lang ng laban, ipinakita natin sa mga fans na hindi tayo basta-basta na team,” giit nito.

Anuman ang maging resulta sa kampanya ng Pilipinas ay nakatitiyak na sila ng slot sa AVC Asian Women’s Volleyball Cup sa susunod na taon.