Ateneo sinakal ulit ang La Salle

By

Tulad ng dati, muling inakbayan ni volleyball superstar Alyssa Valdez ang Ateneo para ilista ang 17-25, 21-25, 25-19, 25-21, 15-13 come-from-behind win laban sa karibal na La Salle kahapon sa Battle of the Rivals sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Binasag ni three-time UAAP Most Valuable Player, Valdez ang mahigpit na depensa nina Michele Gumabao at Mika Reyes upang selyuhan ang panalo ng Lady Eagles na sumadsad sa unang dalawang sets.

Ganadong pumalo ang Lady Spikers sa sets 1 at 2, naghahabol ng limang puntos pero pinamunuan nina Aby Maraño at Ara Galang ang 10-1 run upang hawakan ang four-point lead, 21-17 dumiretso sa pagkopo ng 2-0 set lead.

Pormang tatapusin ng reigning UAAP champion DLSU ang laban sa third frame matapos lumamang ng 18-15, subalit puma­lag ang Lady Eagles at dinagit ang apat na sunod na puntos para maagaw ang manibela, 18-19 at nakahirit sila ng set 4.

Naging puhunan ng Lady Eagles ang 5-1 abante sa fourth upang ikasa ang deciding frame.

Tumikada si Ella de Jesus ng 11 points, may pito si Jho Maraguinot habang tig-anim na puntos sina Amy Ahomiro at Bea De Leon para sa Ateneo.

Limang puntos lang si Ateneo star setter Jia Morado subalit nakapagtala ito ng 58 excellent sets at 13 digs sapat upang tanghaling Most Valuable Player.

Bumanat ng tig-16 na puntos sina Galang at Maraño na hinirang na La Salle’s best player.

Nirehistro nina Stepha­nie Mercado at Mika Reyes ang 13 at 11 pts., ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Spikers.