ASEAN o APEC summit, dapat sa labas ng Metro Manila idaos


Maituturing na mala­king leksiyon ang mga problemang kinaharap ng mga awtoridad sa panga­ngasiwa ng trapiko dito sa loob ng Metro Manila.

Ito ay kaugnay ng idinulot na perwisyo sa mga motorista at commuters dahil naisara ang ilang bahagi ng EDSA.

Isa pa sa naging kontrobersiyal na usapin sa trapiko ay hindi pagsunod ng aktres at dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez na pumasok ng ASEAN lane dahil hindi na natiis ang sobrang bagal ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

17 years din akong nagkober sa Malacañang at kasama sa mga idinaos na ASEAN summit o APEC summit sa ibang bansa pero ang mga ve­nue ng event ay hindi idi­naraos sa pinakapusod o siyudad ng bansa at ito ay inilalabas sa lalawigan.

Isang malaking halimbawa ng APEC summit noong 1996 na ang Pilipinas ang nag-host at ito ay idinaos sa loob ng SBMA Subic, Zambales na labas sa Metro Manila.

Sa nasabing 1996 APEC summit ay walang naging problema ang mga taga-Metro Manila at maaring lumapit ang eroplano ng mga World Leaders sa Clark International Airport.

Sa panahon ng kampanya ay pinupuri ni Pangulong Duterte ang desisyong ito ni dating Pangulong Ramos dahil inilabas ng Metro Manila ang APEC summit 1996 kaya walang naperwisyo sa Metro Manila na siyang sentro ng negosyo.

Ang pinakamaganda dito ay hindi na kailangang suspendihin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at mga paaralan sa buong Metro Manila noong APEC Summit 1996.

Pero sa idinaos na APEC summit 2015 dito sa Metro Manila na nili­mita sa Pasay City at Makati City ang galaw ng mga delegado ay binatikos na mismo ni Duterte ang Aquino administration habang ito ay Presidential candidate pa.

Pero ngayong ASEAN summit at hindi na nga tinularan ni Duterte ang Ramos administration na sa loob lang ng SBMA idi­naos ang APEC summit ay mas pinalawak pa nito ang epekto ng problema sa trapiko.

Hindi lang sa Pasay City at Makati City at ito ay ipinasara pa ang ma­laking bahagi ng EDSA at NLEX mula sa Clark Pampanga.

Sana naman sa mga susunod na malaking event sa Pilipinas ay huwag ng idaos sa loob ng Metro Manila dahil maari itong ilabas at dalhin sa mga mauunlad ng probinsiya.

Dapat ay isaalang-­alang ang kapakanan ng mga publiko at higit sa lahat ay ang trabaho at pag-aaral na hindi maapek­tuhan dahil lang sa mga event na ito na importante din naman pero maaring maiwasan ang masamang epekto kung pag-iisipang mabuti at magkakaroon nang maayos na plano.